ni Ryan Sison @Boses | July 6, 2024
Sa gitna ng diskriminasyon umano sa mga motorcycle rider, babaguhin na ng kapulisan ang kanilang diskarte sa pagsasagawa ng mga checkpoint operation.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Police General Rommel Marbil, dahil ito sa stigma sa dating riding-in-tandem, kaya lumalabas na nagiging mahigpit sila sa mga nakamotorsiklo.
Pero aniya, kailangan na nilang baguhin ito dahil ang mga sinasabing krimen na ginagawa ng mga riding-in-tandem ay hindi na kasing talamak noon at wala nang masyadong reports tungkol dito. Kaya naman kailangan na nilang baguhin kung paano sila magsagawa ng mga checkpoint.
Ginawa ni Marbil ang pahayag matapos na sabihin ni 1-Rider Party-list Representative Bonifacio Bosita na sisimulan na ng kapulisan ang pagpapatupad ng “appropriate and fair” checkpoint operations, habang ibinahagi niya ang kopya ng PNP memorandum hinggil sa naturang usapin.
Sa isang Facebook post, naglabas ng memorandum ang pamunuan ng PNP noong June 22, 2024, kung saan nakasaad na mahigpit na nilang ipatutupad sa buong bansa ang ‘tama at patas’ na PNP Checkpoint Operations sa mga motorista sa buong bansa.
Dapat na tulungan ang PNP, kumuha ng mga video at mag-picture ng mga checkpoint lalo na kapag aniya, motorsiklo lamang ang sinisita at hinuhuli ng kanilang tauhan, at ipadala ito sa kanila para agad nilang maaksyunan.
Batay sa PNP Directorate for Operations’ Memorandum, ang mga otoridad ay magsasagawa ng mga checkpoint operations sa “lahat ng uri ng sasakyan.”
Dapat lang na baguhin na ng ating kapulisan ang istilo nila sa pagpapatupad ng checkpoint sa mga lugar sa buong bansa.
Kadalasan kasi ang mga motorcycle rider natin ang pinapara ng mga pulis para i-check ang kanilang mga rehistro at tanung-tanungin bago nila palampasin, kaya tuloy natotorete at nagkakandarapa sa paghahanap ng registration ng kanilang motorsiklo.
Hindi rin maiaalis na natatakot ang mga rider natin lalo na kapag may angkas dahil iniisip nilang may violation ba silang nagawa kaya pinahihinto ng mga pulis.
Sa ganitong sitwasyon ay tila nagkakaroon ng diskriminasyon sa ating mga rider dahil makikita silang nag-uumpukan na sa gilid ng kalsada at kausap ang kapulisan. Pero kung babaguhin ang pagsasagawa ng checkpoint, marahil ay makakahinga nang mas maluwag ang ating mga rider.
Sana nga ay simulan agad ito ng kinauukulan para sa lahat ng motorista, habang maging patas talaga sa pagsita sa mga checkpoint at walang kinikilingan o pinapaboran sinuman.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comentarios