top of page
FRANKLY - PIKTYUR NI ELLEN NA MAY KASAMANG MALE MODEL SA CHINA, AGAW-EKSENA_IG _maria.elen

Ceasefire muna raw… SEN. ROBIN, PAGKAKAISA ANG HIRIT SA MGA PINOY HABANG MAY ASEAN SUMMIT

Writer: BULGAR
BULGAR
17 hours ago
3 min read

ni Beth Gelena @Bulgary | November 18, 2026



BULGARY - SEN. ROBIN, PAGKAKAISA ANG HIRIT SA MGA PINOY HABANG MAY ASEAN SUMMIT_FB Robin Padilla

Photo: FB Robin Padilla



Opisyal na naimbitahan si Sen. Robin Padilla sa Gala Dinner para sa 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Leaders’ Summit sa bansa.


Ayon sa aktor-pulitiko, hindi raw panahon para magturuan at magbangayan ang mga Pilipino sa gitna ng pagdaraos ng summit. 


“May panahon para itaas ang ating mga kamao, at may panahon din para buksan ang ating mga palad,” saad ng senador.


Giit pa niya, habang nasa Pilipinas ang mga lider ng mga bansang kasapi ng ASEAN at iba pang international partners, mahalagang maipakita ng mga Pilipino ang pagkakaisa sa harap ng buong mundo.


“Sa paghakbang ng Pilipinas sa usaping pangkapayapaan at pangkaunlaran ng ASEAN, ‘di pagkakawatak-watak ang kailangan natin. Pinagmamasdan tayo ng mundo ‘di bilang hiwa-hiwalay na mamamayan, kundi bilang isang malaya at nagkakaisang sambayanang Pilipino,” pahayag niya.


Direkta rin ang panawagan ni Sen. Robin na pansamantalang isantabi ang mga panloob na sigalot at pairalin ang mapanuring pagmamasid at pakikinig.


“Ibaba muna natin ang panloob na alitan. Ito ang panahon para sa rebolusyonaryong katahimikan, mapanuring pagmamatyag, at pakikinig. Hold your horses, ‘ika nga. Ang tunay na lakas ng isang bansa ay nasusukat sa dignidad at disiplina ng ating pagkakaisa sa harap ng mga bisitang kapitbansa, maging kaibigan o katunggali,” dagdag pa niya.


Para sa senador, ang tunay na pagbabago ay hindi dapat umasa sa impluwensiya ng ibang bansa dahil nagsisimula ito sa mismong mga Pilipino.


“Tandaan natin, ang tunay na pagbabago ay ‘di kailanman manggagaling sa labas ng bansa, kundi sa loob mismo ng ating tahanan at sarili. Ang pag-iingay para lamang sa panlabas na interes ay suntok sa buwan. Sa atin magsisimula ang pag-unlad,” pagtatapos ni Robin.





Bilib kina Jed at Sofronio…

MARTIN, AMINADONG NAI-INSECURE SA MGA BAGUHANG SINGERS



KAHIT mahigit apat na dekada na sa industriya ng musika at kinikilalang Concert King ng Pilipinas, hindi pa rin nawawala kay Martin Nievera ang kaba tuwing umaakyat sa entablado.


Sa edad na 64, aminado ang beteranong singer na nakararanas pa rin siya ng stage fright, bagama’t mas gusto na niyang ituring itong excitement kaysa takot.

Nakakaramdam daw siya ng kaba lalo na kapag hindi siya lubos na sigurado sa kantang kakantahin o gagawin sa stage.


“It used to be called stage fright. Now it’s called stage excitement. I’m frightened when I’m not sure of the song. When I’m not really that secure with what I’m doing. I don’t like to over-rehearse; some of my fellow colleagues do it,” pahayag niya.


Hindi rin ikinubli ni Martin na minsan ay nakakaramdam siya ng insecurity kapag napapanood ang mahuhusay na bagong henerasyon ng mga Pinoy singers.


Partikular niyang pinuri sina Jed Madela at Sofronio Vasquez III na nakasama niya sa isang concert tour sa Amerika.


Aminado siyang una nilang inakalang eksperimento lamang ang pagsasama nilang tatlo, pero naging matagumpay ito at nagkaroon pa ng repeat performance sa Saban Theater sa Beverly Hills.


Nagustuhan daw ng audience ang kakaibang konsepto ng kanilang pagtatanghal dahil halos 90 porsiyento ng oras ay magkakasama silang nasa entablado, sa halip na magkakahiwalay na magtanghal ng kani-kanilang kanta.


“Usually in collabs you do your song, they do their songs, and maybe we’ll do a trio,” kuwento pa niya.


Inamin din ng Concert King na minsan niyang pinangarap na mapasok ang mundo ng musical theater, pero napagtanto niyang hindi bagay sa kanyang personalidad ang mahigpit na pagsunod sa script.


Aniya, madaldal siya at mahilig mag-adlib. Pero interesado raw siyang gumanap bilang Filipino Phantom sa Phantom of the Opera dahil hindi raw agad makikilala ang tunay niyang pagkatao.


Samantala, may pagka-OC (obsessive-compulsive) rin daw si Martin. Kapag may nakikita siyang magulong pagkakaayos ng mga gamit, hindi niya mapigilang ayusin ang mga ito.


Kamakailan lamang daw ay ginugol niya ang anim na araw na pahinga sa pag-aayos ng mga aparador sa kanyang bahay. Pabiro tuloy siyang nag-alok na tumulong sa mga kaibigang nangangailangan ng mag-aayos ng kanilang mga gamit at garahe.


Patunay lamang na kahit ilang dekada na sa industriya, patuloy pa ring kinikilala ni Martin ang kanyang mga kahinaan at hindi nawawalan ng gana na pagbutihin ang kanyang craft.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page