Car Child Seats Law, oks sana kung naipaliwanag nang maayos!

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | February 5, 2021
Nauwi sa kaguluhan at pagkakahati-hati ng opinyon ang kinahantungan ng napakagandang batas hinggil sa pagpapatupad ng Republic Act No.11229 o ang Child Safety in Motor Vehicle Act nitong nagdaang araw.
Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin humuhupa ang patuloy na pagpapaliwanag ng pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) at tagapagsalita ng Department of Transportation (DOTr) tungkol sa batas na ito.
Ito ay sa kabila ng hindi pa umano manghuhuli ang operatiba ng LTO sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan upang mabigyan pa ng pagkakataon ang publiko na makapaghanda at matutunan ang naturang batas.
Ang RA 11229 ay nilagdaan upang maging batas noon pang 2019, na nag-uutos na dapat gumamit ng child restraint systems (CRS) o car child seat ang mga batang 12-anyos pabababa at may taas na 4’11 pabababa sa loob ng likurang bahagi ng sasakyan.
Ngunit sa halip na tingnan ang buting dulot ng batas ay may ilan na naglabas pa ng larawan sa social media na malaking bulas na bata na nakaupo sa CRS na hindi akma at ang layunin ay gawing katatawanan ang batas.
Natabunan tuloy ang nakasad sa panuntunan na kapag sobrang laki na ng bata ay maaaring seatbelt na lamang ang gamitin at hindi rin ligtas kung napakaliit o sobrang laki ng bata na pauupuin sa CRS dahil delikado ito ayon sa international standards na ating pinagbabatayan.
Naalarma rin ang marami dahil sa mabigat ang penalty nito na sa unang paglabag ay P1,000, sa ikalawa ay P2,000-P3,000 kabilang na ang paggamit ng hindi tamang CRS at sa ikatlo ay P5,000 at isang taong suspensiyon ng driver’s license kaya marami na ang nagbilihan ng CRS.
Ang hindi pa masyadong napag-uusapan ay ang ipinatutupad na standard ng Department of Trade and Industry (DTI) Administrative Order No.20-03 na dapat ang CRS ay ayon sa United Nations Regulations at international standards.
Maglalabas umano ang DTI ng listahan ng mga brand ng CRS na aprubado at may marka ng Philippine Standards (PS) o ng Import Clearance Certificate (ICC).
Kaugnay nito ay mag-iisyu umano ng sertipikasyon ang LTO na katunayan ay dumaan sa kanilang inspection department ang gagamiting car child seat o CRS upang matiyak na pasado nga ang gagamiting upuan para sa kaligtasan ng bata.
Maging ang manufacturers at distributors, importers, retailer at sellers ng CRS ay papatawan din ng multang P50, 000 hanggang P100, 000 kung mapatutunayang nagbebenta ng substandard o expired na CRS kabilang na ang mga gagamit ng pekeng certification stickers.
Istrikto man ang naturang batas ay dapat nating unawain ang layunin nito dahil kaligtasan ito ng mga bata at kung itinuturing itong dagdag-gastos ng marami ay hindi ito mahalaga kumpara sa pagmamahal natin sa ating mga anak at sa halaga ng ating sasakyan.
Maraming bansa na ang umiiral na ang naturang batas at isa na lamang tayo sa nahuhuli kaya kahanga-hanga ang pagsisikap ng DOTr na maipatupad na ito sa lalong madaling panahon.
Dahil sa kakulangan ng paliwanag kung paano dapat ipatupad ang naturang batas ay tila napagkaisahan ito ng mga netizen at ng mga kilalang radio broadcaster na hanapan ng mali at humantong para pagpiyestahan ito sa social media.
Bigyan natin ng pagkakataon ang DOTr kung paano ito ipatutupad kabilang na ang mga hindi sakop ng batas tulad ng mga pampasaherong jeep at bus, taxi, school bus at iba pang pampublikong sasakyan tulad ng tricycle, pedicab at mga bagong labas na sasakyang may tatlong gulong.
Mabuti ang naging desisyon ng DOTr na pansamantalang isuspinde muna ang pagpapatupad nito dahil nais umano nilang palawakin pa ang information dissemination hinggil dito at tuloy ay muling pag-aralan ang tamang pagpapatupad ng naturang batas.
Ayos lamang naman na punahin natin ang inaakala nating mali pero huwag sana tayong humantong sa tila ayaw na nating magbigay ng pagkakataon dahil napakaganda ng layunin ng batas na ito.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o
mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments