Car child seat law, dagdag-gastusin lang!

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | February 15, 2021
Nakahinga ng maluwag ang marami sa ating mga kababayan matapos ipag-utos mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban na muna umano ang pagpapatupad ng child car seat law.
Kitang-kita ang kabutihan ng loob ng Pangulo sa naging desisyon niyang ito dahil sa hindi umano napapanahon ang pagpapatupad ng naturang batas dahil sa hirap na pinagdadaanan ng marami nating kababayan ngayong pandemya.
Ayaw na umano ng Pangulo na dagdagan pa ang pighating dinaranas ng ating mga kababayan na kitang-kita naman kung paano nagkumahog ang marami para lamang makabili ng child restraint systems (CRS) o car child seat.
Una kasing inanunsiyo ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapatupad nitong Republic Act No.11229 o ang Child Safety in Motor Vehicle Act nitong nagdaang Pebrero 2.
Ang RA 11229 ay nilagdaan upang maging isang batas noon pang 2019 , na nag-uutos na dapat gumamit ng CRS ang mga batang 12 anyos pabababa at may taas na 4’11’ pabababa sa loob ng likurang bahagi ng sasakyan.
Ngunit dahil sa kawalan ng kahandaan kung paano ipaliliwanag ang kahalagahan ng naturang batas ay humantong ito sa kontrabersiya at naisantabi ang magandang pakay ng batas.
Maging ang social media ay inulan ng mga negatibong komento dahil marami ang nag-alala na napakadali umanong manghuli ng mga pulis gamit ang naturang batas dahil sa dami ng hindi naliwanag na bagay sa publiko.
Lalo pa at mabigat ang penalty nito na sa unang paglabag ay P1,000, sa ikalawa ay P2,000-P3,000 kabilang na ang paggamit ng hindi tamang CRS at sa ikatlo ay P5,000 at isang taong suspensiyon ng driver’s license.
Alam ng Pangulo na maging ang Department of Trade and Industry (DTI) Administrative Order No.20-03 ay mahigpit ang ipinatutupad na standard na dapat ang CRS ay ayon sa United Nations Regulations at international standards.
At hindi basta-basta makakabili ang publiko dahil maglalabas pa umano ng listahan ang DTI ng mga brand ng CRS na aprubado at may marka ng Philippine Standards (PS) o ng Import Clearance Certificate (ICC).
Dagdag violation din kung walang bitbit na sertipikasyon mula sa LTO na katunayan ay dumaan sa kanilang inspection department ang gagamiting CRS upang matiyak na pasado nga ang gagamiting upuan para sa kaligtasan ng bata.
Kahit ang manufacturers at distributors, importers, retailer at sellers ng CRS ay papatawan din ng multang P50,000 hanggang P100,000 kung mapapatunayang nagbibenta ng substandard o expired na CRS kabilang na ang mga gagamit ng pekeng certification stickers.
Nakitang lahat ng Pangulo ang higpit ng batas na ito at kitang-kita rin natin na sa mga unang araw na sinusubukan itong ipatupad ay agad na nagkaubusan ng CRS na karagdagang gastos pa para sa ating mga apektadong kababayan.
May ilang puwesto sa Divisoria ang nakapanayam sa telebisyon na pinakyaw umano ng ilang oportunistang negosyante ang kanilang stock na CRS dahil nais na namang samantalahin ang kagipitan ng lahat sa gitna ng pandemya para kumita.
Dahil sa desisyon ng Pangulo ay maraming negosyante ang matutulog ng matagal ang puhunan bago sila makabawi na sa isang banda ay isang malaking aral din na huwag puro negosyo at sa halip ay isipin din ang kapakanan ng kapwa lalo ngayong pandemya.
Higit sa lahat magkakaroon pa ng malaking pagkakataon ang DOTr upang mapag-aralan ang naturang batas kung paano ipaliliwanag ng tama ang mga katanungan kung dapat bang kabitan ng CRS ang mga sasakyang hindi sakop ng batas.
Tulad ng mga pampasaherong jeep at bus, taxi, school bus, tricycle at pedicab na ipinipilit ng mga pilosopo sa social media kung bakit dapat kabitan at kung bakit hindi dapat kabitan ng CRS.
Tandaan nating napakaganda ng naturang batas at ayaw lamang ng Pangulo na sa gitna ng pandemya ay mapagastos at mahirapan pa ang ating mga kababayan habang sinisita ng mga enforcer sa kalye.
Pandemya na, iniimbestigahan ka pa kung may paglabag ka sa CRS, tapos kung may kasama ka sa kotse titingnan pa kung may suot kayong facemask, eh, ‘yung violation mo pa kaya ka pinara!
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o
mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments