top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Buong-buo pa rin ang pag-asa ng mga Pinoy ngayong 2022

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 4, 2022
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | January 04, 2022



Matindi ang pinagdaanan ng ating bansa nitong nakaraang 2021, ngunit kahit muling sumirit ang COVID-19 ay nagawa nating mapababa ang kaso nito.


Sa kabila ng marami pa rin ang may pangamba sa mabuting dulot na bakuna laban sa COVID-19 ay napursige ng pamahalaan na mabigyan ng bakuna ang nakararami sa ating mga kababayan kaya ramdam na natin ang mabuting dulot nito.


Ngunit hindi alintana ng marami na sa gitna nang pakikipaglaban natin sa pandemya ay walong bagyo ang naglabas-masok sa ating bansa na bukod sa nanalasa ng bilyun-bilyong pisong halaga ng ari-arian ay kumitil din ng napakaraming buhay ng ating mga kababayan.


Kabilang na ang Bagyong Odette na iniulat na pinakamatinding bagyo ngayong taon na umano’y umabot sa 407 katao ang binawian ng buhay at hindi bababa sa 39.3 bilyong halaga ng ari-arian ang hindi na naisalba sa bahagi ng CARAGA Region na tumawid patungo sa Southern Visayas hanggang sa Palawan.


Pero sa kabila nang sunud-sunod na paghagupit ng mga pagsubok sa ating bansa ay nasa siyam sa bawat 10 Pinoy pa rin ang nananatiling buo ang pag-asa kahit nasa ikatlong taon na ang pananalasa ng COVID-19 hindi lang sa atin kung hindi sa buong mundo.


Ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) umabot sa 93 porsiyento ng adult Filipinos ang nagsasabing buo ang kanilang pag-asa para sa pagpasok ng 2022 na tumaas pa ng dalawang porsiyento kompara noong nakaraang taon.


Kung ating gugunitain, ang contagious respiratory disease ay unang natukoy sa China noong Disyembre 2019 at kalauna’y nakumpirmang nakapasok na ng ating bansa noong Enero 2020 at nagtuluy-tuloy na hanggang sa kasalukuyan.


Sa pinakahuling ulat, ang Pilipinas ay may 2.84 milyong kaso at 51,241 na ang nasawi, na maituturing na pinakamalalang pangyayari sa kasaysayan nang pagtugon natin sa kalusugan ng ating mga kababayan.


Ngunit ayon sa World Health Organization (WHO) mas malala ang sitwasyon sa ibang bansa, tulad sa Estados Unidos na inulat na may 53 milyong kaso, na sinundan ng India na may 35 milyong kaso at ang Brazil na may 22 milyon at sa buong mundo ay aabot na sa kabuuang 281 milyong kaso na may 5.4 milyon ang nasawi.


Base sa SWS survey, pitong porsiyento umano sa mga respondents ang nagpahayag na may pangamba sila sa pagpasok ng bagong taon, ngunit ang naturang bilang ay siya ring dami ng bilang na naitala noong 2020.


Ang malaking pag-asa na kasalukuyang nararamdmaan ng ating mga kababayan ay tumaas sa lahat ng lugar, maliban lamang sa Mindanao na nananatili sa 93 porsiyento.


Ngunit sa Metro Manila ay kahanga-hanga ang malaking pag-asa na inaasam-asam ng bawat isa dahil sa tumaas pa ito sa 90 porsiyento, na sinundan ng Visayas na mula 88 ay naging 90 porsiyento na rin at 92 hanggang 93 porsiyento naman sa Luzon sa labas ng Metro Manila.


Natuklasan din ng SWS na ang pagtaas ng pag-asa sa pagpasok ng taon sa ating mga kababayan ay mula sa lahat ng antas ng edukasyon maliban na lamang sa mga hindi nakapagtapos ng elementarya na medyo bumaba sa 91 hanggang 89 porsiyento.


Sa mga nakapagtapos naman kolehiyo ay mas kinakitaan sila ng mas malaking pag-asa dahil umabot ito sa 94 hanggang 98 porsiyento na sinundan naman ng junior high school graduates na may 92 hanggang 94 porsiyento at ang elementary graduates ay mula naman sa 89 hanggang 90 porsiyento.


Ang naturang survey na isinagawa nito lamang nagdaang Disyembre 12 hanggang 16 sa pamamagitan nang pag-interview sa may 1,440 adult sa Metro Manila, Visayas, Mindanao at Luzon sa labas ng Metro Manila.


Kasabay ng inilabas na survey ng SWS ay iba’t ibang survey din sa maraming bansa ang naglabasan, ngunit kapansin-pansing ang Pilipinas ang may pinakapositibong resulta dahil sa taas ng pag-asang natatanaw ng marami nating kababayan sa pagpasok ng 2022.


Maging ang mga kababayan nating kasalukuyang natutulog sa sira-sira nilang tahanan dahil sa pananalasa ng Bagyong Odette ay napakataas ng porsiyento ng mga kababayan nating umaasa na isang araw ay muling makababangon sa kasalukuyang sitwasyon.


Hindi ba’t mas matindi pa ang sinapit ng mga kababayan nating biktima ng Bagyong Yolanda dahil maituturing na itong pinakamalakas sa kasaysayan na kumitil ng libong dami ng ating mga kababayan, ngunit ngayon ay ramdam na ang kanilang muling pagbangon.


At ngayon ay kitang-kita ang sigasig, gigil at pananabik ng bawat Pinoy na muling makabangon kahit naririyan pa rin ang pandemya at naniniwala ang marami nating kababayan na palaging may pag-asa sa bawat umagang bubungad sa atin sa taong ito ng 2022.


Sa mga nakaranas ng kabiguan, pagkalugi at iba pang negatibong aspeto ng buhay, maraming pag-asang naghihintay sa 2022, basta kumilos lang!


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page