top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Bulls, inisahan agad ang Raptors, Thunder, binigla ang Pelicans

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 14, 2023
2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 14, 2023




Naitala ng bisitang Chicago Bulls ang higanteng panalo laban sa Toronto Raptors, 109-105, sa pagpapatuloy ng NBA Play-In Tournament kahapon sa Scotiabank Arena.


Kinumpleto ng bisitang Oklahoma City Thunder ang araw ng mga dehado at ginulat ang New Orleans Pelicans, 123-118.


Lamang ang Toronto, 66-47, sa third quarter ngunit naging gitgitan ang laro hanggang ipinasok ni Zach LaVine ang dalawang free throw para sa 107-104 lamang ng Chicago sa huling 12 segundo. Biglang binigyan ng foul ni Alex Caruso si Pascal Siakam habang tumitira ng tres at ipinasok niya ang unang free throw subalit dinaga at minintis ang dalawang sumunod, 105-107.


Napunta ang bola sa Bulls at binigyan ng foul sa Nikola Vucevic na walang kabang ipinasok ang dalawang paniguradong free throw at 11 segundo ang nalalabi. Sunod para sa Chicago ang Miami Heat para ika-walo at huling upuan sa East Playoffs sa Sabado.


Bumida si LaVine sa 13 ng kanyang 39 puntos sa fourth quarter at sumunod si DeMar DeRozan na may 23. Hindi pa nananalo ang Miami sa Chicago sa kanilang tatlong tapatan ngayong taon.


Ang Bulls ang pinakaunang #10 sa kasaysayan ng Play-In na nagwagi sa #9. Ilang oras lang ang lumipas ay ginaya sila ng #10 Thunder kontra sa #9 Pelicans ng Western Conference.


Sumaksak si Shai Gilgeous-Alexander para ibalik ang lamang sa Thunder, 115-114, na kanyang unang shoot sa 4th quarter at 28.3 segundo sa orasan. Huling nagbanta ang Pelicans sa buslo ni Brandon Ingram, 118-119, subalit ipinasok ni SGA ang apat na free throw sa nalalabing apat na segundo at siguraduhin ang resulta.


Nagtapos si SGA na may 32 puntos at sinuportahan ni Josh Giddey na may 31 puntos at 10 assist. Magtutuos ngayong Sabado rin ang Thunder at Minnesota Timberwolves para sa huling upuan sa West Playoffs.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page