Bukod kay Frasco, ilan pa kaya ang magri-reject sa liderato ni Romualdez sa Kamara?
- BULGAR

- Jun 10, 2025
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 10, 2025

VP SARA, WARING NAKASANDAL SA PADER SA LIDERATO NI SP ESCUDERO SA SENADO -- Sa kanyang press conference ay sinabi ni Senate President Chiz Escudero na hindi siya magpapatinag sa mga kilos- protesta, panawagan ng mga unibersidad at iba’t ibang sektor ng lipunan para umpisahan na ang impeachment trial kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, na ayon sa Senate president may itinakda na silang panahon para talakayin ito.
Ang statement na ito ni SP Chiz ay waring mensahe sa pamilya Duterte na hangga’t siya ang Senate president, “nakasandal sa pader” si VP Sara, boom!
XXX
PAREHONG HANDA NA ANG DEFENSE TEAM NI VP SARA AT HOUSE PROSECUTION TEAM SA IMPEACHMENT TRIAL, SI SP ESCUDERO NA LANG ANG HINDI -- Matapos ang presscon ni SP Chiz ay nagpalabas ng statement ang defense team ni VP Sara na anumang araw ay handa nilang harapin sa impeachment trial ang mga alegasyon laban sa bise presidente, at ipakita sa publiko ang mga hawak nilang ebidensya na walang basehan ang mga akusasyon laban sa vice president.
Patunay iyan na handa na ang defense team ni VP Sara para ipagtanggol siya at sa kabilang banda, noon pa sinasabi ng mga kongresistang nakapaloob naman sa prosecution team na handa na sila sa impeachment trial.
Handa na ang defense team ni VP Sara at handa na rin ang prosecution team ng Kamara, eh ang hindi na lang handa ay ang Senado na pinamumunuan ni SP Escudero, period!
XXX
MAY TUTULAD PA KAYA KAY CONG. FRASCO NA MAGRI-REJECT SA LIDERATO NI SPEAKER MARTIN ROMUALDEZ SA KAMARA? -- Hindi lumagda si Cebu 5th District Rep. Duke Frasco sa manifesto of support kay Speaker, Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez para maging House speaker uli ng Kamara sa pagpasok ng 20th Congress, dahil ayon sa Cebu congressman ay dismayado raw siya sa pamumuno nito (Romualdez) sa House of Representatives.
Ilang kongresista pa kaya ang magpapahayag ng pagkadismaya at magri-reject sa liderato ni Romualdez sa Kamara, abangan!
XXX
SA LIDERATO NI GEN. TORRE, PNP AT CHR ‘MAGKAKAMPI’ NA SA PAGPAPAIRAL NG KARAPATANG PANTAO -- Sa mga naging head ng PNP, bukod tanging si PNP Chief Gen. Nicolas Torre lang ang bumisita sa tanggapan ng Commission on Human Rights (CHR) sa Quezon City.
Binisita ni Gen. Torre ang CHR at nakipag-ugnayan sa mga opisyal ng komisyon, tiniyak na ang bawat aksyong gagawin ng kapulisan patungkol sa paglaban sa droga at krimen ay naaayon sa batas at hindi lalabag sa karapatang pantao.
Ayos iyan, dati kasi, ang tingin ng publiko ay “magkalaban” ang PNP at CHR, pero ngayon sa liderato ni Gen. Torre, magkakampi na ang kapulisan at komisyon para mawakasan ang isyung PNP vs. CHR, period!







Comments