ni Judith Sto. Domingo @Asintado | July 10, 2024
Hayaan ninyong pansamantala nating isantabi ang ating mga nakagawiang paksa sa kolum na ito para bigyang daan ang paglalambing ng isang tagatangkilik ng Bulgar na ilathala ang kanyang liham para sa kanyang kaibigan.
***
Sa aking pinakamamahal na matalik na kaibigang Jo,
Minabuti kong idaan sa pahayagang itong lagi mong sinusubaybayan ang aking tapat na mga pangungusap na nais iparating sa’yo. Alam kong mababasa mo ito kahit nasaan ka mang lupalop ng Pilipinas.
Marahil ay batid mong hungkag at puno ng lumbay ang mga nakalipas na araw para sa akin sapagkat wala ka, hindi ka mahagilap ng aking paningin at hindi ka makausap gaya ng dati sa kabilang linya ng telepono.
Mahirap magpanggap at magpumilit na aliwin ang sarili sa gitna ng mga pagtitipon kung saan kailangan kong ibigay ang aking wagas na ngiti na tila walang iniinda, at mainit na pagyakap kahit ako ay hindi buo at may panlulumo.
Ngunit sa oras na ito ay pinipili kong maging masaya at puno ng pasasalamat na lagi mong bukambibig bilang nararapat sa lahat ng panahon.
Kaya sa pagkakataong itong saksi ang marami, hayaan mong pasalamatan kita nang buong katapatan at pagpipitagan — sa ipinadama mong lalim, lawak at tayog ng uri ng iyong pagiging matalik na kaibigan. Na sa lahat ng oras na kailangan kita, ganap kang nariyan para sa akin; wala kang hindi gagawin para sa akin; at lagi mo akong uunahin bago ang iyong sarili.
Naitanim mo sa puso ko ang maraming makabuluhang mga sandali na naipamalas mo ang iyong malalim at tunay na pagiging kaibigan. Sa kabila ng iyong pansariling mga hamon at suliranin sa buhay, nagawa mo pa rin akong bigyan ng panahon sa gitna ng mga gawain mong hindi magkamayaw at naghuhumiyaw ng atensyon (tulad ko) sa bawat araw.
Hindi ko kailangang hukayin ang sisidlan ng aking mga alaala, kung saan nag-uumapaw ang iyong mga ibinahagi, para gunitain ang iyong mga ginawa sa ngalan ng ating pagiging matalik na magkaibigan.
Nakaukit sa aking dibdib kung paano mong ibinigay ang iyong balikat para aking iyakan at ang iyong pandinig para ako’y pakinggan noong panahong ako’y isinantabing tila pinagsawaang kasuotan ng aking kasintahan sa kabila ng mga taong inilaan ko para sa kanya. Dahil sa’yo, unti-unti akong nakabangon mula sa araw-araw na pagluha at gabi-gabing paghihinagpis na tila hindi na sisikatan ng araw. Inaliw mo ako, sinamahan, inalayan ng hindi mabilang na mga awiting noon ko lamang narinig — para lamang ako sumaya at naising mabuhay pa, na may kaibigan tulad mong mananatili kahit sa takipsilim ng aking buhay.
Hindi ko malilimutan ang paghangos na pagpunta mo sa aking kinaroroonan sa gitna ng aking pagtawag at pangangailangang makita ka — sa kainan kung saan dumating kang puno ng pawis sa’yong pagmamadali; sa aking tahanan kahit may kailangan kang puntahan; sa lamay ng magulang ng ating kamag-aral; sa seremonya ng pagtatapos ng kolehiyo na kinailangan mong iwan ang iyong mga gawain ng halos kalahating araw para ako ay samahan at kuhanan ng maraming litrato pati ang aking pamilya.
Kapag kasama kita, lagi mo akong dinadalhan ng inuming tubig para patirin ang aking uhaw; ibinibili mo lagi ako ng mga piling tsokolate na aking natanto na kahit ikaw ay hindi pa nakakatikim; at ng mga kinakailangan kong gamot para agarang mawala ang aking nararamdamang sakit.
Hindi mo ipinadama sa aking mahirap para sa‘yong gawin ang lahat ng iyon, bagkus ay ipinamalas mong bukal lahat sa‘yong kalooban.
Pinili mo akong maging kaibigan sa rami ng mga nilalang na mas nakahihigit ang mga katangian sa akin na sa‘yo ay dumating, umalis o nananatiling nariyan sa‘yong ginagalawan. Pinili mo ako sa gitna ng mga kulang sa aking pagkatao at may hindi ka rin gusto sa aking pag-uugali.
Kaya‘t humihingi ako ng iyong buong pagpapatawad sa lahat ng maling nagawa ko sa‘yo, na hindi ko na iisa-isahin pa na alam kong labis kitang nasaktan. Walang makasasapat na paliwanag para maibsan ko ang iyong dinamdam at pinasan sa panahong iyong tila iniwan kitang nag-iisa. Sana ay mapatawad mo ako nang lubusan at tabunan ng aking patuloy na pagmamahal ang lahat ng sariwang alaala ng aking mga pagkukulang. Sana ay hayaan mong muling uminog ang ating mundo gaya ng dati na puno ng saya at giliw.
Umaasa pa rin akong natuldukan mo na ang iyong paghahanap ng mabuting kaibigang para sa‘yo ay laging andiyan. Umaasa akong walang mababago sa lahat ng iyong mga binitawang pangako.
Sa ganang akin, ikaw ay mananatiling nag-iisang tunay, pinakamalapit at pinakamatalik kong kaibigan habang ako‘y nabubuhay. Lagi akong naririto, singlapit lamang ng dasal.
Nagmamahal,
Buena
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments