top of page

Budget pampagawa na sana ng mga iskul at ospital napunta pa sa pork barrel ng grupo ni SP Escudero

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 23, 2025
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 23, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


KUNG WALANG KINURAKOT, DAPAT IPAMUKHA ITO NI VP SARA SA IMPEACHMENT TRIAL KINA SPEAKER ROMUALDEZ AT IBA PANG CONG. -- Kung walang corruption na ginawa si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio sa kanyang P650 million confidential funds ay dapat ipamukha niya ito sa mga kongresistang nagsampa sa kanya ng mga kasong impeachment sa Senado.


Ang nais nating ipunto rito ay dapat harapin niya ang mga kasong impeachment na isinampa sa kanya ng Kamara at kapag naipakita niya ang mga ebidensyang ni-singko ay wala siyang kinurakot, siguradong mapapahiya ang mga congressman at tiyak na puputaktihin ng netizens ng pamba-bash sina Speaker Martin Romualdez at mga kaalyado niyang kongresista, boom!


XXX


KUNG MAY MALASAKIT SI PBBM SA MAMAMAYAN NA LAGING BINABAHA, DAPAT SIBAKIN NA NIYA SI DPWH SEC. MANUEL BONOAN -- Dumaan ang tag-araw nang hindi man lang nagawa ni Dept. of Public Works and Highways (DPWH) na solusyunan ang problema ng ‘Pinas sa baha, kaya ang resulta nang pumasok na ang panahon ng tag-ulan at bagyo, nilubog na naman ng baha ang iba’t ibang lugar sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan.


Dapat ipakita ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang pagmamalasakit niya sa mamamayan na laging nakakaranas ng baha, dapat sibakin na niya agad si DPWH Sec. Manuel Bonoan, period! 


XXX


KAYA PALA HINDI MAKAPAGPAGAWA NG MGA BAGONG SCHOOL AT OSPITAL DAHIL BUDGET NG DEPED AT DOH TINAPYASAN, AT ANG NABAWAS NAPUNTA SA PORK BARREL NG GRUPO NI SP ESCUDERO -- Hindi lang si Sen. Ping Lacson ang nakadiskubre sa P150 billion pork barrel na isiningit ng grupo ni Senate Pres. Chiz Escudero sa 2025 national budget, kundi pati si Sen. Tito Sotto na nagsabi na base sa kanyang natuklasan ay sobra-sobrang scandalous umano ang ginawang ito ng Senado dahil raw ang bilyun-bilyong pork barrel na ito na pinagparte-partehan ng majority senators ay tinapyas sa budget ng Dept. of Education (DepEd) at Dept. of Health (DOH).


Kaya naman pala hindi magawa ng DepEd na makapagpagawa ng maraming school buildings at hindi rin ang DOH na makapagpatayo ng mga karagdagang public hospital dahil ang mga budget pala rito ay ginagawang pork barrel ng grupo ni SP Escudero, buset!


XXX


DAPAT PANGALANAN NI NAPOLCOM VICE CHAIRMAN CALINISAN ANG MGA TAONG NAGTANGKANG AREGLUHIN ANG KASO NG MGA PULIS NA SANGKOT SA MGA MISSING SABUNGERO -- Ibinulgar ni National Police Commission (Napolcom) Vice Chairman Rafael Calinisan na may dalawang grupo raw ang nagtangkang aregluhin siya para ilusot sa kaso ang 12 pulis na nasasangkot sa pagpatay sa mga missing sabungero.


Sana hubaran ni Calinisan ng maskara ang dalawang grupong ito, dapat ibulgar niya ang mga pangalan nito para malaman ng publiko kung sinu-sino ang mga personalidad na sinasabi niyang nagtangkang aregluhin siya sa kaso ng mga missing sabungero, period!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page