Boxer Pagara, nalagay sa gusot, naaresto sa Cebu
- BULGAR
- Sep 3, 2021
- 1 min read
ni MC - @Sports | September 03, 2021

Inaresto ng mga awtoridad si Pinoy boxer Albert “Prince” Pagara sa Cebu dahil sa umano’y pangmomolestiya at panggahasa sa isang 14-year-old.
Ikinulong ng Cebu City Police ang 27-year-old slugger matapos itong mahuli ng mga barangay tanod sa Sitio Terra Dulce sa Brgy. Inayawan kung saan ito nakatira kasama ng kanyang live-in partner. Ayon sa ulat, dumulog ang biktima kasama ang kanyang ina sa mga awtoridad na naging susi sa pagka-aresto nito.
Kasalukuyang nakakulong si Pagara sa Pardo Police Station kung saan nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga pulis. Itinanggi naman ni Pagara ang akusasyon at sinabing hindi niya ginahasa ang biktima.
Si Pagara ang kasalukuyang WBO Intercontinental Super Bantamweight Champion na huling lumaban noong Disyembre at tinalo si Virgil Puton via majority decision. Nakakabatang kapatid si Albert ng world champion din na si Jayson Pagara na parehong dating nasa ilalim ng nagsarang ALA Promotions.




Comments