Boxer Paalam, handa na sa Semis vs. Tanaka
ni MC - @Sports | August 05, 2021

Wala sa isip ni PH pug Carlo Paalam na maliitin si Japanese boxer Ryomei Tanaka sa kanilang men’s light-flyweight semifinals bout sa 2020+1 Tokyo Olympics ngayong Huwebes.
Ayon sa 23-year-old Pinoy, patas lang ang sitwasyon nila ng kalabang Hapon na nakitang inilabas na naka-wheelchair matapos ang huling laban nito sa Kokugikan Arena nang talunin si Colombian Yuberjen Herney Martinez Rivas sa quarterfinals. “Hindi ko naman masasabi na advantage ako, kasi parehas naman kaming may kamay,” ani Paalam. “Nakita ko siya, ok naman siya. Nakita ko siya sa room namin.”
Kontrobersiyal umano ang panalo ni Tanaka kontra kay Martinez Rivas dahil naniniwala ang mga nanood na mas maganda ang ibinato at ipinatamang suntok ng Colombian fighter sa dulo ng kanilang salpukan kaysa sa Hapon. Makikitang inilabas ang home bet na naka-wheelchair papunta sa kanyang locker room, pero ilang minuto lang ay lumabas ito sa kanyang kwarto na maganda naman ang kondisyon. Galing si Paalam mula sa napakagandang split decision na panalo kontra kay Olympic at world champion Shakhobidin Zoirov ng Uzbekistan sa kanilang quarterfinals match.
Dahil sa kanyang upset win ay nakasiguro na siya ng bronze medal at kumpiyansa umano ang mga fan na mas mananaig ang Pinoy kontra sa 26-year-old na si Tanaka, kapatid ng dating three-division world champion Kosei Tanaka, sa kanilang August 5 semifinal.
Ayon kay Paalam hindi umano siya magpapabaya at hindi padadala sa panalo niya kontra kay Zoirov dahil ibang kalaban na ang kanyang kaharap. “Gawin ko yung proseso na dahan-dahan na dumating sa dulo. Hindi muna ako magsasalita,” ayon sa Pinoy na naging gold medal winner sa flyweight class sa 2019 Southeast Asia Games sa Manila.





Comments