Bonoan, wa’ ‘wentang DPWH Sec., sangkatutak na ‘ghost’ projects ‘di raw alam
- BULGAR

- Aug 29
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 29, 2025

GEN. NARTATEZ, MAHUSAY, MATAPANG, MASIPAG, MATINO AT MABILIS UMAKSYON -- Ang itinalaga ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na bagong hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr. ay may limang “M” na katangian: Mahusay, Matapang, Masipag, Matino at Mabilis umaksyon.
Mahusay si Gen. Nartatez dahil noong siya pa ang regional director ng National Capital Regional Police Office (NCRPO), hindi siya naniwala sa unang report ng Southern Police District (SPD) na P4.6 million lang ang nakumpiska ng 44 na pulis-SPD sa 11 Chinese at Pilipino na umano’y mga miyembro ng human trafficking syndicate na kanilang hinuli sa loob ng isang condominium sa Parañaque City noong Sept. 16, 2023 kaya nagsagawa siya (Nartatez) ng sarili niyang imbestigasyon at natuklasan na higit P60M pala ang nakuha ng mga SPD operatives at dahil diyan sibak sa puwesto, at kaso ang inabot ng mga parak na nang-raid sa condo.
Matapang si Gen. Nartatez kasi ang kapwa niya police general na noo’y SPD director na si Brig. Gen. Roderick Mariano ay kanya ring sinibak at kinasuhan dahil sangkot din ito sa katiwaliang ginawa ng mga pulis na nang-raid sa condo. Masipag si Gen. Nartatez dahil madalas siyang magsagawa ng surprise visit sa mga police station, at minsan sa kanyang surprise visit sinamahan niya ito ng surprise drug test din kaya ang hepe ng Mandaluyong City noon na si Col. Cesar Gerente na nagpositibo sa drug test, sibak at sinampahan ng kasong administratibo.
Matino si Gen. Nartatez, hindi siya abusado sa tungkulin at walang bahid ng anumang corruption. Mabilis umaksyon si Gen. Nartatez at patunay ang ini-report sa publiko ng noo’y PNP spokesperson na si Col. (General na ngayon) Jean Fajardo noong January 2024, na sa pamumuno noon ni Gen. Nartatez sa NCRPO ay nag-zero backlog ito sa mga administrative cases laban sa mga tiwali at abusadong pulis sa Metro Manila dahil ang higit 800 pulis na may kaso ay isinuspinde at ang iba ay pinadismis niya (Nartatez) sa serbisyo.
Sa limang "M" na katangian na iyan ni Gen. Nartatez, patunay iyan na hindi nagkamali si PBBM sa pagtalaga sa kanya bilang bagong chief PNP, period!
XXX
HINDI IINDAHIN NG MGA PORK BARREL SENATOR ANG PAGTAPYAS NG DBM SA BUDGET NG SENADO DAHIL NAKAPAGSISINGIT NAMAN SILA NG ‘PORK’ SA NATIONAL BUDGET -- Ang P13.9 billion na budget ng Senado ngayong year 2025 ay tinapyasan ng Dept. of Budget ang Management (DBM) ng P7.5B na ibig sabihin ay P7.52B na lang ang budget nito sa year 2026.
‘Yang pagbaba ng budget ng Senado ay hindi iindahin ng mga pork barrel senator dahil nagagawa naman nilang magsingit ng bilyun-bilyong pork barrel sa national budget, boom!
XXX
DAPAT ISAULI MUNA NG MGA KONTRAKTOR SA KABAN NG BAYAN ANG MGA IN-SCAM NILA SA PERA NG BAYAN BAGO GAWING STATE WITNESS SA MGA PULITIKONG NANGHIHINGI NG KICKBACK -- Sabi ni Sen. Ping Lacson, may mga kontraktor daw na handang ibulgar ang mga pork barrel politician na nanghihingi sa kanila ng kickback.
Sana bago gawing state witness laban sa mga pulitikong nanghihingi ng kickback ang mga kontraktor na iyan ay isauli muna nila sa kaban ng bayan ang lahat ng pera ng bayan na kanilang in-scam, at kung hindi nila isasauli, mas mainam na isama sila sa mga dapat sampahan ng kasong plunder, period!
XXX
WA’ ‘WENTANG DPWH SEC. SI BONOAN DAHIL SANGKATUTAK NA ‘GHOST’ PROJECTS SA KANYANG TANGGAPAN ‘DI RAW NIYA ALAM -- Ikinagulat daw ni Dept. of Public Works and Highway (DPWH) Sec. Manuel Bonoan ang sangkatutak na flood control “ghost” projects ng mga kontraktor.
Kung totoong walang kinalaman si Sec. Bonoan sa mga nabulgar na flood control "ghost" project kaya nasabi niyang ikinagulat niya ang mga ito, ibig sabihin niyan ay “wa’ ‘wenta” pala siyang DPWH secretary dahil sangkatutak na ang "ghost" project sa kanyang tanggapan, hindi pa niya alam, pwe!







Comments