Bonoan, ‘di isinama sa isinumite kay PBBM mga kontraktor ng “ghost” projects, bakit?
- BULGAR

- Aug 31
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 31, 2025

IKINAGULAT NI PBBM ANG NATUKLASANG ‘GHOST’ PROJECTS AT NI BONOAN NA NALUSUTAN ANG DPWH, AT NAGULAT DIN ANG PUBLIKO, PERO ‘DI PA SINISIBAK NG PRESIDENTE ANG DPWH SEC. -- Ikinagulat ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na ang construction firm na SYMS Construction na pag-aari ni Sally Nicolas Santos, sangkot sa natuklasan niyang “ghost” project na flood control sa Baliwag City, Bulacan noong Aug. 21, 2025 ay wala sa isinumite sa kanya ni Sec. Manuel Bonoan ng Dept. of Public Works and Highways (DPWH) na top 15 contractor ng mga flood control project sa bansa, at pagkaraan niyan ay sinabi naman ni Sec. Bonoan sa interbyu ng mga mamamahayag sa kanya noong Aug. 25, 2025 na ikinagulat daw niya na nalusutan ng mga “ghost” project ang pinamumunuan niyang DPWH.
Habang ikinagulat din ng mga mamamayan na sa dami ng mga “ghost” project sa DPWH eh, hanggang ngayon hindi pa rin sinisibak ni PBBM si Sec. Bonoan, boom!
XXX
BAKIT HINDI ISINAMA NI SEC. BONOAN SA ISINUMITE KAY PBBM ANG MGA KONTRAKTOR NG MGA “GHOST” PROJECT? -- Malinaw ang sinabi ni PBBM, na sa top 15 contractor ng mga flood control project sa bansa na isinumite sa kanya ni Sec. Bonoan ay wala rito ang SYMS Construction na pag-aari ni Sally Nicolas Santos, ang kontratistang nasa likod ng “ghost” project sa Baliwag City.
Eh ang tanong: Bakit hindi isinama ni Sec. Bonoan sa isinumite kay PBBM ang mga kontraktor na sangkot sa mga “ghost” project na flood control?
Dapat ibigay ni Sec. Bonoan kay PBBM ang listahan ng mga “ghost” project contractor para mahubaran ng maskara ang mga ‘walanghiyang’ iyan na nang-scam sa pera ng bayan, at kung hindi niya ito gagawin, iisipin talaga ng publiko na sangkot din siya sa mga flood control project scam, period!
XXX
BAKA KALAHATI NG NA-SCAM SA KABAN NG BAYAN NASA BANK ACCOUNTS NG MGA ANAK NG MGA ‘KURAKOT’ NA POLITICIAN, GOV’T OFFICIALS AT KONTRAKTOR, KAYA’T DAPAT ISAMA SILA (MGA ANAK) NA ISAILALIM SA LIFESTYLE CHECK -- Matapos kumalat sa social media ang mararangyang pamumuhay ng mga anak ng politician, gov’t. officials at mga kontraktor, iminungkahi ni former Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares na isama ang mga ito (mga anak) sa isasagawang lifestyle check ng pamahalaan.
Aba’y dapat lang baka kasi ang kalahati ng mga in-scam sa kaban ng bayan ng mga ‘kurakot’ na politicians, gov’t. officials at mga kontraktor ay inilagay nila sa mga bank accounts ng kanilang mga anak, boom!
XXX
RAMDAM NA YATA NG DOJ, MALAPIT NANG MAGLABAS NG WARRANT OF ARREST ANG KORTE KAYA ISINAILALIM NA SA IMMIGRATION LOOKOUT BULLETIN SINA ATONG ANG, GRETCHEN BARRETTO AT IBA PANG SANGKOT SA MISSING SABUNGEROS -- Isinailalim na ng Bureau of Immigration (BI) sa lookout bulletin sina gambling tycoon Atong Ang, former actress Gretchen Barretto at iba pang nasasangkot sa pagpatay sa missing sabungeros.
Ang BI lookout bulletin sa kanila ay indikasyon na ramdam na ng Dept. of Justice (DOJ) na malapit nang maglabas ng warrant of arrest ang korte laban sa kanila, abangan!







Comments