top of page
Search
  • BULGAR

‘Body cams’ sa PNP, malaking bagay kontra krimen

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | May 27, 2021



Binaril umano ng pulis ang isang lalaki na taga-Valenzuela na may ‘special needs’ nang mang-agaw ng baril. Nangyari ang insidente kasunod ng pagsalakay ng awtoridad sa ilegal na sabungan. Nang-agaw umano ang binatilyo ng baril na nauwi sa agawan hanggang sa pumutok ito at napatay ang biktima.


Kaugnay nito ay pinaiimbestigahan na ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar kung may pagkukulang ang pulis sa nangyaring insidente. Natural ay umangal ang pamilya ng biktima dahil hindi umano nito magagawang mang-agaw ng baril dahil takot ito sa pulis. Kaya naman, nanawagan si Gen. Eleazar sa mga nakasaksi ng pangyayari na makipagtulungan sa imbestigasyon — kung hindi sila tinatakot, hindi ba?


Lahat ito ay madali sanang malaman kung may body cams ang mga pulis na sangkot sa operasyon. Nakita sana ang tunay na nangyari sa nasabing insidente. Kaya muli tayong magtatanong kung nasaan na nga ba ang mga body cams at kailan ito gagamitin ng mga pulis? Hindi ba’t inutos na ni Gen. Eleazar na gamitin ang mga ito?


Samantala, pinayagan na rin ni Gen. Eleazar na buksan ang rekords sa Department of Justice (DOJ) ng 61 opersyon ng Philippine National Police (PNP) kontra ilegal na droga para maimbestigahan kung may pagkakamali, pagkukulang o may kriminal na aspeto. Malaking bagay ang kilos ni Gen. Eleazar dahil nahirapan daw ang DOJ makuha ang mga rekords na ito sa ilalim ni Gen. Sinas.


Sana nga ito na ang simula ng pagbabago ng imahe ng PNP sa ilalim ni Gen. Eleazar. Nakalulungkot lang isipin na ilang buwan lang mamumuno si Gen. Eleazar bilang hepe ng PNP dahil magreretiro na rin.


Nagsimula na rin ang pagdinig sa Senado sa madugong “misencounter” sa pagitan ng Quezon City Police District (QCPD) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Commonwealth, Quezon City noong Pebrero. At kung nagkamayan noon sina Gen. Sinas ng PNP at Wilkins Villanueva ng PDEA, nagturuan at nagsisihan na ang dalawang ahensiya sa Senado. Kailan lang ay muntik na namang magkaroon ng misencounter ang dalawang ahensiya sa Novaliches, patunay na may problema talaga sa koordinasyon sa pagitan nilang dalawa. Mabuti na lang at agad nagpakilala ang dalawang panig at hindi nauwi sa barilan.

Mapapakamot ka talaga ng ulo kung nangyari na naman ‘yan. Hinikayat naman ni Sen. Ronald Dela Rosa, dati ring hepe ng PNP, na sana ay “humarap at aminin kung sino ang nagkamali”.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page