top of page
Search
  • BULGAR

Body cams sa mga operasyon ng pulisya, oks!

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | June 08, 2021



Ipinatupad noong Biyernes ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar ang paggamit ng mga body cams sa mga operasyon kontra ilegal na droga at paghain ng search warrant.


Ito na aniya ang “eyes and ears” ng mamamayan laban sa pang-aabuso ng pulis tulad ng kaso ni Kian delos Santos na pinatay noong 2017 at para pabulaanan na rin ang pang-abuso raw ng pulis sa ilang operasyon.


Sa totoo nga, proteksiyon ito para sa mamamayan at para sa pulis na rin para hindi sila pagbintangan ng kriminalidad. Kung walang itinatago, walang problema sa kapulisan ang paggamit nito. Ilang hepe ng Philippine National Police (PNP) na rin ang dumaan pero hindi ito ipinatupad — mabuti ngayon ay natuloy na.


Siguradong malaki ang interes ng mamamayan sa magiging resulta ng paggamit ng body cams. Pero dapat din mabanggit na 3, 000 units lang ang ibinigay sa iba’t ibang istasyon sa buong bansa. Ibig sabihin, iilan lang ang may suot nito. Kung ganyang iilan lang, baka tig-isa lang bawat istasyon ang may body cam, hindi sapat para sa lahat ng operasyon.


May operasyon na walang body cam na magagamit. Dito na siguro magkakaproblema na naman, baka piliin lang ng mga istasyon kung anong operasyon ang gagamitan ng body cam.


Balik sa pandemya, sa Mindanao na naman ngayon mas dumarami ang kaso. Sa totoo lang, pati sa Metro Manila mukhang dumarami na naman mga kaso. May nakausap tayong doktor at sabi niya ay dumarami na naman ang admission ng mga seryosong COVID-19 na pasyente.


Parang paikut-ikot na lang. Maghihigpit na naman at mababawasan ang mga kaso. Kapag lumuwag, muli paakyat ang bilang.


Mukhang hindi ito magbabago maliban kung marami na ang mabakunahan. Pero sa ngayon, noong Mayo 30 nasa 3.63% pa lang ng populasyon ang nakatanggap na isang bakuna. Nababalitaan nating mas maraming bakuna ang dumarating na sa bansa.


Sana ay mas mapabilis ang pagbigay ng bakuna sa mas maraming tao, baka puwede ng pagbigyan ang may gusto. ‘Yan lang talaga ang solusyon sa problemang pandaigdig na ito.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page