Body cams kotra pang-aabuso sa mga operasyon, isulong!
- BULGAR
- Jun 21, 2021
- 2 min read
ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | June 21, 2021
Akala natin ay gagamitan na ng body cams ang mga operasyong kontra ilegal na droga, ayon sa utos ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar? Gumamit ba ng mga body cams ang sampung pulis na sangkot sa search warrant kay Antonio Castillo Dalit sa Laguna noong Miyerkules? Kung hindi, ano ang dahilan nito — sira o walang baterya? Hindi ba sila nabigyan?
Ngayon, “nanlaban” na naman ang dahilan kung bakit umano napatay si Dalit at ang 16-anyos na si Johndy Maglinte. Pero ayon sa mga kamag-anak ng mga biktima, una umanong pinatay si Dalit at dahil nasaksihan ni Maglinte ay dinale na rin ito kahit nakaposas at nakadapa sa putik.
Naka-restrictive custody na ang mga sangkot na pulis habang may imbestigasyon nang iniutos si Gen. Eleazar. Hayaan na lang umano munang tumakbo ang imbestigasyon bago husgahan.
Pero hindi maiiwasang ikumpara ito sa kaso ni Kian delos Santos na nagmakaawa sa awtoridad pero pinatay pa rin para lang bumango ang pangalan ng mga pulis sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte kontra ilegal na droga, na wala rin namang pagbabago, kaya ba walang body cams ay talagang may papatayin na?
Ito ang unang pagsubok ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ni Gen. Eleaza, baka naman magreretiro na si Gen. Eleazar wala pa rin mangyayari sa kanilang kaso at maghihintay na lang mg PNP chief na malambot ang puso sa kapwa pulis, masama man o mabuti.
Sana nagbigay agad ng pahayag si Gen. Eleazar kung bakit walang body cams. Mukhang hindi pa tanggap ng mga pulis na magsusuot na sila ng camera. Napakalayo sa ibang bansa kung saan hindi puwedeng walang body cams ang pulis dahil gagamitin ang video sa mga kaso. Kaya kahit mga pagkakamali ng pulis ay nakukunan. Maraming video sa YouTube ng mga kuha ng body cams ng pulis sa Amerika kung saan may tamang ginawa, meron ding mali.
Hinihintay pa natin ang unang video mula sa body cams ng PNP. Itong operasyon sa Laguna sana ang naaangkop sa paggamit ng body cams, pero wala. Dapat imbestigahan ang operasyon, pati na rin kung bakit walang ginamit na body cams kahit may utos na si Gen. Eleazar.








Comments