Bisa ng mga gift checks
- BULGAR

- 5 hours ago
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 20, 2025

Dear Chief Acosta,
Nakatanggap ako ng gift check ng isang establisyimento mula sa kapatid ko bilang regalo. Ngunit nang ibigay ko ang nasabing gift check sa kahera ng establisimyento nito, ay tinanggihan ito dahil lumipas na diumano ang petsa na nakasaad sa expiry date nito. Nais kong malaman kung maaari bang tumanggi ang isang establisimyento na tanggapin ang kanilang gift check sa dahilan na expired na ito? -- Abilyn
Dear Abilyn,
Isinabatas ang Republic Act (R.A.) No. 10962 o mas kilala bilang “Gift Check Act of 2017” upang maprotektahan ang mga interes ng mamimili, itaguyod ang pangkalahatang kapakanan, at itatag ang mga pamantayan sa negosyo at industriya. Isinusulong ng batas na ito ang tapat at patas na ugnayan sa pagitan ng mga partido sa transaksyon ng pamimili at maprotektahan ang mga mamimili laban sa mapanlinlang, hindi patas, at walang konsiyensyang mga gawain at gawi sa pagbebenta. Kaugnay nito, nakasaad sa Seksyon 5 ng batas na ito na:
“Section 5. Prohibitions.- The following acts shall be unlawful:
Issuing a gift check that bears an expiry date;
Imposing an expiry date on the stored value, credit, or balance of the gift check; or
Refusing to honor the unused value, credit, or balance stored in the instrument.”
Alinsunod sa nasabing batas, ipinagbabawal ang pag-iisyu ng gift check (tumutukoy din sa gift certificates o gift cards) na may expiry date; ang pagpapataw ng expiry date sa nakaimbak na halaga, kredito, o balanse ng gift check; at ang pagtanggi na igalang ang hindi nagamit na halaga, kredito, o balanseng nakaimbak sa gift check. Nakasaad din sa nasabing batas na ang mga gift checks ay maaaring nasa anyo ng papel, kard, kodigo, o iba pang aparato, at mananatiling wasto at balido habang patuloy ang operasyon ng negosyo na nagpalabas o nag-isyu nito.
Sa iyong sitwasyon, ang inirereklamo mong establisimyento ay hindi maaaring tumanggi na tanggapin ang kanilang gift check dahil sa nakalagay na expiry date sapagkat ipinagbabawal ng batas ang paglalagay ng expiry date sa gift check. Kung kaya, ang inirereklamo mong establisimyento ay maaaring maparusahan alinsunod sa Seksyon 11 ng R.A. No. 10962 na nagsasaad na:
“SEC. 11. Penalties.- Any person, natural or juridical, who violates the provisions of this Act shall be obligated to return the unused balance of the gift check within ninety (90) days from the declaration of the violation by the DTI and shall be subject to a fine to be imposed by the Secretary of Trade and Industry, which shall in no case be less than five hundred thousand pesos (P500,000.00) nor more than one million pesos (P1,000,000.00): Provided, That for the second offense, in addition to the fine, the issuance of gift check by the offending issuer shall be suspended for three (3) months: Provided, further, That for the third offense, in addition to the fine, the issuance of gift check by the offending issuer shall be cancelled.”
Ngunit iyong tandaan na nakasaad sa Seksyon 6 ng R.A. No. 10962 na ang mga gift checks sa ilalim ng loyalty, rewards, at promotional programs, na tinukoy ng Department of Trade and Industry, ay hindi saklaw ng batas na ito. Pati na rin ang mga coupon o voucher na tinukoy sa Seksyon 4 ng nasabing batas, na nagbibigay ng diskwento sa isang partikular na produkto o serbisyo, o maaaring ipagpalit para sa produkto o serbisyo na nakasaad sa nasabing instrumento.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments