top of page

Biro o joke lang ba ang demonyo, impiyerno at kasamaan?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 29
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Mar. 29, 2025



Fr. Robert Reyes


Pumasok na tayo sa ikatlong linggo ng Kuwaresma. Umiigting na ang alitan ng mabuti at masama, ng Diyos at demonyo sa mga pagbasa. 


Kitang-kita ang mapanirang epekto ng kasamaan sa tao. Sinisira nito ang tao mula sa loob hanggang sa labas, mula sa ulo hanggang sa talampakan, mula sa isip hanggang sa puso at sa kasuluk-sulukan ng kaluluwa. Hindi lang iba kumilos kundi iba na ring mag-isip, dumama, mangarap at magplano ang nakuha at lubos nang nasilo ng kasamaan. At nalalantad ito sa mga taong walang makitang mabuti sa anumang ginagawa ni Hesus. 


Sa Ebanghelyo noong nakaraang Huwebes, nagpagaling si Kristo ng isang pipi at mabilis na naghusga ang ilan, “Nagpapagaling siya sa kapangyarihan ni Beelzebul (Prinsipe ng mga demonyo)!” Ngunit mabilis na nabasa ni Kristo ang isip ng mga nanghuhusga sa kanya kaya’t nasabi nito, “Babagsak ang bawat kahariang nahahati sa magkakalabang pangkat at mawawasak ang mga bahay roon.” Paano nga bang gagamitin ni Hesus ang kapangyarihan ng demonyo laban mismo sa demonyo?


Ganito nga ba ang ginagawa ng demonyo? Kumikilos siya laban sa kanyang sarili at laban sa kanyang kaharian? Malinaw na hindi. Hindi nagpapahina at nagpapatalo ang demonyo. Masipag itong nagpapalakas at nagpaparami ng kanyang mga kampon.

Kaya’t tuloy na sinabi ni Hesus, “Kung maghihimagsik si Satanas laban sa kanyang sarili, paano mananatili ang kanyang kaharian?” (Lucas 11:14-20)

Kung buo ang puwersa ng kadiliman, ng kasamaan, ni Satanas, higit na buo ang puwersa ng mabuti, ang puwersa ng Diyos.


Maraming nadadala ng puwersa ng kadiliman na sa halip na seryosohin ang demonyo at ang pinalalaganap nitong kasamaan, itinuturing pang biro o joke ito. Kaya noong Mayo 1, 2022 sa kampanya ng mga Cayetano sa Taguig, sinabi ng dating pangulo, “Pupunta at sa impiyerno, at isasama ko kayong lahat at aagawin ko ang trono ni Satanas.” 

Siyempre nagtawanan ang maraming nasa paligid niya. Biro lang, tiyak na ‘joke’ lang ang sinabi ng dating pangulo dahil mahilig naman talagang magbiro ito tulad ng mga sinabi niya tungkol sa Santo Papa at sa Diyos ng mga Katoliko.


Subalit tuluy-tuloy ang pagbibiro at pagbabalewala sa kasamaan, sa impiyerno at sa demonyo. Tuluyan na bang nababalewala ang kasamaan at ang bunga nito sa lipunan at mundo?


Naalala natin ang sinabi ng dalawang kilalang manunulat. Ayon kay Dante Aleghieri, “Ang pinakamainit na bahagi ng impiyerno ay nakalaan sa mga tao na walang ginawa sa

 

panahon ng matinding krisis ng moralidad.” Ito naman ang sinabi ni Hannah Arendt noong sinaksihan niya ang paglilitis kay Adolf Eichmann ang arkitekto ng “Holocaust” o ng paglipol sa mga Hudyo na utos ni Adolf Hitler:“Ang kasamaan sa modernong mundo ay hindi isinasagawa ng mga halimaw at mga makapangyarihang tao. Ginagawa ito ng mga mahilig at madaling sumali (joiners). Nagmumula ang kasamaan sa mga taong mapaghanap at mapaghangad ngunit walang sinusunod na anumang mataas na pamantayang moral. Buong-buong ibinibigay ng mga ito ang sarili sa kung anu-anong kilusan.”


Mapanganib ang dalawang uri ng tao, ang walang pakialam at ang mga walang prinsipyo at paninindigan. Idagdag na rin natin ang problema ng mga mahina at walang konsensya kaya’t hindi na nila nakikita, nararamdaman at nakikilatis ang kasamaan kapag ito ay mismong nagaganap sa harapan nila.


Isang malinaw na epekto ng kasamaan ay ang dibisyon, pagkakahati-hati ng mga grupo, pamilya, pamayanan at lipunan. 


Tingnan natin ang naturingang UniTeam. Nasaan na ito? Tingnan din natin ang magkapatid na Marcos. Nasaan na ang dalawa? Tingnan natin ang ating lipunan ngayon. Biro o joke ba ang pagkakahati-hati, siraan, silipan at walang sawang intrigahan ng mga grupo, sekta, pamayanan, sektor na bumubuo sa ating lipunan?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page