BINI member, todo-papansin sa TikTok… MIKHA, UMAMING CRUSH SI LIZA
- BULGAR

- 9 hours ago
- 3 min read
ni Beth Gelena @Bulgary | May 20, 2026

Photo: IG _bini_mikha & _lizasoberano
Nag-viral online ang nakakakilig na TikTok (TT) interaction nina Mikha Lim ng BINI at Liza Soberano matapos diretsahang umamin ang una na crush niya ang aktres sa comment section.
Sa nasabing post, makikitang pabirong nagli-lip sync si Liza kasabay ang kantang Kill You ni Eminem habang sinasabing, “Nagpapatawa lang ako, mga binibini. Alam n’yo namang mahal ko kayo.”
Dito nag-iwan ng simple ngunit viral na komento si Mikha, “Hi, crush.”
Hindi naman nagpahuli si Liza at sinagot ito ng “At ano nga ba’ng plano mong gawin tungkol d’yan?”
Dahil dito, agad na nag-trending sa social media ang kanilang playful exchange. Maraming mga fans ng BINI at mga supporters ni Liza ang kinilig at bumaha ng nakakatawang reaksiyon at edits online.
Umabot pa umano sa milyun-milyong views at daan-libong likes ang TT video.
Para sa maraming netizens, natuwa sila sa pagiging game at lighthearted ng dalawa, lalo na’t parehong kilala sina Mikha Lim at Liza Soberano sa kanilang strong online presence at loyal fanbases.
NAKAKATUWANG makita kung paano pinili ni Sylvia Sanchez na gawing simple ngunit makahulugan ang pagdiriwang ng kanyang kaarawan. Sa halip na engrandeng selebrasyon, mas binigyang-diin niya ang oras kasama ang pamilya at ang pagpapasalamat sa mga biyayang natatanggap niya sa buhay.
Kapansin-pansin din ang naging mensahe niya tungkol sa mga aral at repleksiyon habang nadaragdagan ang kanyang edad. Marami ang naka-relate sa kanyang caption lalo na sa bahaging sinabi niyang ang pamilya ang kanyang ‘pinakamalaking biyaya’.
Ipinapakita nito kung gaano kahalaga para sa kanya ang pagiging hands-on na ina at lola.
Bukod sa pagiging beteranang aktres, kilala rin si Sylvia bilang haligi ng kanilang showbiz family at COO (Chief Operating Officer) ng Nathan Studios. Kaya marami ring mga netizens ang natuwang makita siyang genuinely masaya at payapa sa kanyang espesyal na araw.
Sa ibinahaging larawan ay makikitang kumpleto ang Atayde family sa isang frame. Kasama rin sa larawan ang aktor na si Zaijian Jaranilla na itinuturing na rin ni Sylvia na miyembro ng pamilya dahil boyfriend ito ng kanyang anak na si Gela.
Makikita sa larawan ang mag-asawang Zanjoe Marudo at Ria Atayde, Gela at Zaijian, si Xavi, Sylvia at Papa Art, at ang mag-asawang Maine Mendoza at Cong. Arjo Atayde.
UMANI ng batikos mula sa ilang netizens ang naging panayam ni Matteo Guidicelli kay Erwan Heussaff matapos umikot ang usapan sa umano’y paulit-ulit na pagtatanong tungkol sa selos at insecurity sa relasyon nito sa misis niyang si Anne Curtis.
Sa naturang interview, ilang beses umanong tinutukan ni Matteo ang posibilidad ng pagseselos ni Erwan sa mga romantic at intimate scenes ni Anne sa kanyang mga proyekto.
Dahil dito, may mga manonood na nakapansin na tila ‘pinipilit’ ang paksa, na agad naging dahilan ng diskusyon online at pag-ulan ng opinyon mula sa mga netizens.
Bagama’t maayos at kalmado ang naging sagot ni Erwan, kung saan iginiit niyang bahagi lamang ng trabaho ni Anne ang mga ganitong eksena at mahalaga ang tiwala sa kanilang relasyon—mas naging sentro ng usapan sa social media ang naging direksiyon ng interview kaysa sa mismong mga sagot.
Ani Matteo, “Guys, just a reminder, I’m the host here. I’m delivering the questions and maneuvering the conversation. Just please enjoy the entertainment!” naging tugon ni Matteo sa X (dating Twitter) bilang reaksiyon sa mga pumuna sa kanya.
Sa kabila ng isyu, marami pa ring humanga sa pagiging mature at supportive na pananaw ni Erwan Heussaff pagdating sa trabaho ng kanyang asawa sa showbiz, habang patuloy namang pinagdedebatehan online ang estilo ng pagtatanong sa naturang interview.





Comments