ni Nitz Miralles @Bida | Nov. 25, 2024
Biniro ng mga fans na utangan sina Kathryn Bernardo at Alden Richards dahil umabot na sa P1.06B ang box-office gross ng Hello, Love, Again (HLA) as of November 23.
Worldwide gross ito na paniguradong madaragdagan pa dahil showing pa ang movie dito at sa ibang bansa.
Nagkakabiruan pa ang mga fans na paabutin nila ng P2B ang box-office gross ng HLA, pero wala raw pressure. Basta manood lang sila uli at ipo-promote sa mga hindi pa nakakapanood na manood na. Para raw makasama sa moviegoers na sumuporta sa isang local film na highest-grossing Filipino film of all time. “Road to P2B” ang inilalaban ng fans ngayon.
“The Billion Peso Tandem” ang tawag ngayon kina Kathryn at Alden na nasa Canada to grace the screening of HLA sa ilang parte ng bansa. May pa-Meet-and-Greet sila, may presscon at ibig sabihin, dagdag na kita para sa HLA.
Super happy sa kanyang Facebook (FB) post si Bryan Dy, ang executive producer ng Uninvited and the man behind Mentorque Productions, producer of the said movie together with Project 8 Projects.
Caption ni Bryan, “#MMFF50 Float Number 3! Wish granted! Galing talaga ni Sir Rico!”
Ikinatuwa ng mga fans ang balitang ito, hindi na raw sila maghihintay nang matagal para makita ang cast ng Uninvited na pinangungunahan nina Aga Muhlach, Nadine Lustre at Vilma Santos.
Samantala, may pa-throwback post din si Bryan kung paano nabuo ang Uninvited at maganda siyang basahin, “When THE Vilma Santos-Recto stumbled into her dream project. I am very honored to have the opportunity to form the dream team.”
Ang dream project ni Vilma na tinukoy ni Bryan ay ang Uninvited at ang dream team na tinukoy ay pinangunahan ni Dan Villegas na director ng nasabing pelikula na entry sa 2024 Metro Manila Film Festival (MMFF).
Kasama rin sa dream team ang producer na si Tonette Jadaone, writer na si Dodo Dayao, ang director of photography na si Pao Orendain at ang iba pang kasama sa team. Present din sila sa grand launch at kasama sa pinalakpakan at siguradong papalakpakan sa awards night.
Naalala naming binanggit ni Direk Dan na may napanood siyang Mexican news na crime na nangyari sa Mexico na tungkol sa paghahanap ng isang ina sa killers ng kanyang anak. Heto na nga ‘yun, Uninvited, na ang unang pinansin ay ang pagkakaroon ng big cast.
Naikuwento naman ni Bryan na nakaka-ilang meeting na sila para sa nasabing project, hanggang isang araw, nagdesisyon siyang gawin na ang pelikula. With the perfect cast and perfect team, mapapanood na simula sa December 25 ang pelikulang hinuhulaan na magiging top grosser.
May post naman ang Mentorque sa FB pa rin na binanggit ni Bryan na expensive ang kanilang movie, “SERVING YOU EXPENSIVE PRODUCTION REALNESS. This is the film that proves our country’s filmmakers and actors are high-caliber talents who always come prepared! From the creators of the award-winning Mallari, Mentorque CEO Bryan Dy takes Philippine cinema to the next level – one you definitely shouldn’t miss!”
HINDI umepal si Maymay Entrata sa premiere night ng Idol: The April Boy Regino Story. Nakita lang siya nang pumasok sa ballroom ng Great Eastern Hotel at kinailangang lapitan para makausap. Hindi rin siya nagpa-interview at mga basic question lang ang sinagot.
Maymay was there to support her friend John Arcenas na gumaganap sa role ni April Boy sa biopic nito sa direction ni Efren Reyes, Jr.. Hindi rin namin narinig na in-acknowledge at wala kaming nakita na photo nila ni John. Kung meron man, baka after the premiere night na sila nagpakuha ng larawan.
Sa Instagram (IG) post ni John ng isang eksena sa Idol, nag-comment si Maymay ng, “Wohoooo! Congratulations, Dangskiiii!” na ipinagpasalamat ni John.
Napanood ni Maymay ang movie and for sure, hindi siya na-disappoint kay John. Kuhang-kuha nito ang maging si April Boy, lalo na sa parteng kantahan dahil singer din ito at sariling boses ang ginamit sa mga kantang Umiiyak Ang Puso, ‘Di Ko Kayang Tanggapin at iba pang songs sa movie.
Showing in cinemas nationwide simula sa November 27 ang Idol: The April Boy Regino Story na kapag pinanood, malalaman natin ang pinagdaanan ng singer noong may sakit na siya.
Comments