ni Nitz Miralles @Bida | Apr. 8, 2025
May nag-post ng photo na kasama nina Ruffa Gutierrez, Karla Estrada at Vina Morales si Kathryn Bernardo sa ABS-CBN Ball 2025. Ang tsika, lumapit si Kathryn sa puwesto ng tatlo at nagbeso bilang pagbati.
Kahit naman break na sina Kathryn at Daniel Padilla, may respeto pa rin ang una kay Karla.
Si Ruffa naman ay naging mom niya sa The House Arrest of Us (THAOU), at maganda rin ang kanilang samahan, kaya walang rason para hindi niya ito lapitan at batiin.
Hindi kami sigurado kung nagkatrabaho na sina Kathryn at Vina, pero binati rin ni Kath ang singer-actress.
Ang sabi ng mga nasa ABS-CBN Ball, nagbeso-beso rin sina Kathryn at Daniel at kasama pa raw that time ni Kath si Kyle Echarri.
Natuwa pa nga ang mga nakakita sa eksenang ‘yun, kaya lang ang sumunod na tsika ay nagkainitan daw sina Daniel at Kyle.
May nakita kaming video after the party, magka-holding hands na naglalakad sa lobby ng Solaire North sina Karla at Daniel, nagkukuwentuhan at nagtatawanan.
Sa sobrang tawa nga ni Daniel, tila napaliyad pa. Naka-tsinelas na lang si Daniel at naka-rubber shoes na si Karla at casual dress na ang suot.
Para namang walang nangyari sa pinanggalingan nilang party.
Tinupad ni Alden Richards ang nabanggit na magpapa-block screening siya para sa pelikula nina Kim Chiu at Paulo Avelino na My Love Will Make You Disappear (MLWMYD) bilang suporta sa mga bida ng Star Cinema movie.
Nangyari ang pa-block screening ni Alden sa KimPau movie last Sunday sa EDSA Shangri-La Premiere Cinema na dinaluhan nina Kim at Paulo. Ang kasama nilang nanood ay gym buddies nila at ang members ng Breakfast Club ni Alden.
Sabi ni Kim, “Thank you @aldenrichards02 para sa napakabonggang screening with our @thegrin_method fam!!! SOLID!!! Thank you appreciate you and lahat ng nagpunta. Salamat sobra!”
Pinasalamatan din si Alden ng Star Cinema, “Thank you for your love and support,” at ipinaalalang nasa second week na ng showing ang nabanggit na pelikula.
Masaya ang nasabing block screening at pinuri ng mga um-attend ang food na catered ng Cibo at Manila Craft. May nagbiro tuloy na sana, madalas magpa-block screening si Alden hindi lang dahil sa movie ng mga kaibigan niya, para na rin sa masarap na food.
Unang naging friend ni Alden si Paulo noong nasa GMA pa ang huli at nagkasama sila sa seryeng Alakdana. Kahit lumipat sa ABS-CBN si Paulo, nanatili silang magkaibigan.
Naging kaibigan naman ni Alden si Kim dahil dinala siya ni Paulo sa gym na kanilang pina-patronize at nakasama pa sa pagtakbo.
SI Sanya Lopez ang pumalit kay Michelle Dee bilang celebrity houseguest sa Bahay ni Kuya. May mga natuwa at may mga nag-react at parang ayaw nilang marami ang nagiging houseguest sa Pinoy Big Brother (PBB) Celebrity Collab Edition. Hindi raw napo-focus sa housemates ang attention ng mga viewers, kundi sa mga houseguests.
After Ivana Alawi, sunod na pumasok si Michelle at ngayon ay si Sanya. Baka raw maging housemates din sina Barbie Forteza, David Licauco, Julie Anne San Jose, Rayver Cruz at iba pang Kapuso stars.
Dapat ang susunod daw na celebrity houseguests ay Kapamilya naman at may mga pangalang binanggit ang mga fans.
Anyway, hindi naman siguro magtatagal sa Bahay ni Kuya si Sanya, baka nga bukas o sa April 10, lumabas na ito.
Sa nasabing petsa kasi ang premiere night ng movie nila ni David Licauco na Samahan ng mga Makasalanan (SNMM) at parang kulang kung wala siya sa premiere night. Pero tingnan din natin.
Based sa trailer, nakakatawa ang SNMM at ipinangako ni Director Benedict Mique na tatawa, matutuwa at may mga matututunan ang manonood ng pelikula.
Bagay daw na pang-Black Saturday ang movie dahil sa story nito tungkol sa isang deacon na susubukan kung handa na ba siyang mag-pari.
Nilinaw na ni Sanya na hindi sila love team ni David sa movie, hindi rin ito love story at walang kissing scene. Kaya walang rason para magselos ang BarDa fans nina David at Barbie Forteza at hindi panoorin ang pelikula.
Dahil bida rito si Sanya, may mga eksena siyang nakasuot ng two-piece na nang makita ni David, napa-comment ito ng “Sexy siya.”
Totoo naman, kaya ‘wag nang magselos ang BarDa fans.












