top of page

Bilang ng rest day

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 28
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 28, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta, 


Bago pa lamang akong nagtatrabaho sa kumpanya na pinapasukan ko. Ngunit nagtataka ako na kahit Sabado ay nagtatrabaho kami, at ang pahinga lamang namin ay araw ng Linggo. Hindi ba dapat na ang pahinga o rest day ay dalawang araw? Nais ko sanang maliwanagan hinggil sa bagay na ito. — Evee



Dear Evee,


Ang rest day o araw ng pamamahinga ng isang empleyado ay inoobliga ng batas na kailangang ibigay ng isang employer. Bagama’t may mga pagkakataon kung saan maaaring hilingan ng employer na magtrabaho ang empleyado kahit na ito ay kanyang rest day. Ngunit maliwanag din na kung ang empleyado ay hihilingan na magtrabaho sa kanyang rest day, kailangang bigyan siya ng kanyang employer ng karagdagang bayad sa ginawa niyang pagtatrabaho sa kanyang rest day. 


Ang tanong ngayon ay: Gaano ba karaming araw ang inoobliga ng batas na maging rest day ng isang empleyado? Ayon sa Article 91 ng Labor Code of the Philippines, ang isang employer ay obligado na magbigay ng hindi bababa sa 24 na oras ng pahinga sa empleyado, pagkatapos na ito ay magtrabaho ng sunud-sunod na anim na araw: 


“ART. 91. Right to Weekly Rest Day. – (a) It shall be the duty of every employer, whether operating for profit or not, to provide each of his employees a rest period of not less than twenty-four (24) consecutive hours after every six (6) consecutive normal work days.

(b) The employer shall determine and schedule the weekly rest day of his employees subject to collective bargaining agreement and to such rules and regulations as the Secretary of Labor and Employment may provide. However, the employer shall respect the preference of employees as to their weekly rest day when such preference is based on religious grounds.”


Malinaw ang nakasaad sa batas na ang inoobliga lang na rest day ay hindi bababa sa 24 hours, pagkatapos na ang isang empleyado ay magtrabaho ng sunud-sunod na anim na araw. Kaya, hindi obligado ang isang employer na magbigay ng dalawang araw na rest day maliban na lang kung nakasaad ito sa kontrata, o nakasaad sa tinatawag na collective bargaining agreement sa pagitan ng unyon at employer. 

Samakatuwid, ang pagbibigay ng dalawang araw na rest day ng employer ay hindi minamandato ng batas kundi, bunga lamang ng boluntaryong pagpayag o kasunduan sa pagitan ng employer at empleyado. 

Kaya naman sa iyong sitwasyon, maaaring isang araw lang ng pamamahinga ang ibigay sa iyo ng iyong employer dahil iyon lang ang inoobliga ng batas. Maliban na lang kung nakasaad sa kontrata mo o may mga collective bargaining agreement na nagsasaad na ang rest day ay dalawang araw. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page