top of page
Search
  • BULGAR

Bilang ng mga nabakunahan sa bansa, sadyang napakababa

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | July 02, 2021



Natapos na ang Hunyo. Pero ayon sa ourworldindata.org/covid-vaccinations, ang kanilang datos noong Hunyo 29 ay 7.67 milyong tao pa lang ang nabakunahan o 7% ng populasyon. Kung bibigyan pa natin ng isang araw para opisyal na katapusan ng Hunyo, hindi pa rin siguro aabot ng sampung milyong tao.


Sa datos na nakalap ng organisasyong ito ang ating basehan. Kinakalap din nila ang lahat ng impormasyon hinggil sa pagbabakuna mula sa maraming bansa sa buong mundo. Numero-uno sa malalaking bansa ay ang Canada sa 68.0% noong Hunyo 29. Kaunti na lang makakamit na nila ang ‘herd immunity’. Naunahan na nila ang Israel na dating numero-uno. Magandang pinagmumulan ng tamang impormasyon ang website. Walang fake news — walang pulitika.


Malayo pa tayo sa herd immunity. Pero nagpahayag ang OCTA research na maaaring makamit ng NCR Plus ang herd immunity ngayong Disyembre kung hindi kakalat ang Delta variant ng na sinasabing pinaka-nakahahawa.


May balita mula sa Guangdong, China na 14-segundo lang ang kinailangan ng Delta variant makahawa ng ibang tao. Dalawang babae ang nakunan ng CCTV na hiwalay pumasok sa banyo, sa mall. Hindi raw magkakilala at hindi rin nag-usap. Pero hinawaan agad ng may impeksiyon na ang nakasabay sa banyo. Hindi ba nakakatakot ‘yan? Hindi ba sa Disyembre dumarami nang husto ang populasyon ng NCR dahil dumarating ang mga taga-ibang lugar para sa Christmas shopping? Magawa o payagan kaya ng gobyerno ngayong Disyembre? Kaya mahalaga ang magpabakuna para may laban sa COVID-19, kasama na ang Delta variant nito.


Samantala, napag-uusapan na rin ang pagbabakuna, huwag sanang ipahiya, siraan, pagtawanan o ‘ipako sa krus’ ang nagkamaling nagbigay ng bakuna sa Makati. Daan na rin ‘yan sa paulit-ulit na kilos at pagod. Ilangdaan din ang dumaraan sa kanya sa isang araw.


Ang importante ay naitama agad ang pagkakamali, na sigurado hindi sinasadya. Bigyan natin ng parangal at pasasalamat ang ating health frontliners na higit isang taon nang walang pahinga sa labang ito.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page