Biktimang pinatay, sino nga ba ang salarin?
- BULGAR

- Nov 10
- 4 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Nov. 10, 2025
ISSUE #372
Noong gabi ng Marso 30, 2017, sa payapang Purok Sunflower, Brgy. Malabod, Malungon, Sarangani, isang sigaw ng kaguluhan ang bumasag sa katahimikan ng gabi.
Si Edgar, hindi niya tunay na pangalan, ay duguang natagpuang nakahandusay matapos umanong saksakin ng isang lalaking kilala lamang bilang alyas “Bogart.” Ngunit sa pagdaan ng mga taon ng paglilitis, isang tanong ang lumutang, sapat ba ang ebidensya ng tagausig upang patunayan na si Bogart nga ang salarin?
Sa kasong People of the Philippines v. Sinaya (Crim. Case No. 00236-17-xxx), Regional Trial Court, Branch 50, Alabel, Sarangani, sa panulat ni Honorable Judge Catherine A. Velasco-Supeda, 24 Hulyo 2023, sinuri ng hukuman kung ang ebidensya ba ng tagausig ay sapat upang magpatunay prima facie ng kasalanan ni Bogart, o kung ang alinlangan ay dapat magbunga ng kanyang pagpapawalang-sala.
Bilang pagbabahagi ng mga kaganapan, narito ang buod ng mga salaysay na inilahad sa hukuman.
Ayon sa impormasyon na isinampa noong Abril 28, 2017, bandang alas-10:00 ng gabi ng Marso 30, 2017, sa Purok Sunflower, Brgy. Malabod, Malungon, Sarangani, umano’y sinaksak ni Bogart si Edgar, edad 55, gamit ang patalim, na may intensyong pumatay at sa paraan umano ay may pagtataksil (treachery). Tinamaan ng saksak si Edgar sa katawan na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Sa paglilitis, ipinrisinta ng tagausig ang salaysay o Complaint-Affidavit ni Tata Eta, ina ng biktima, ngunit tinanggap ng magkabilang panig na wala siyang personal na kaalaman sa pangyayari bago ang alas-10:00 ng gabing iyon.
Ang pangunahing testigo ay si Rogelio, pamangkin ng biktima, na tumestigo na nakita umano niya ang aktuwal na pananaksak ni Bogart kay Edgar.
Ngunit nang suriin ng hukuman ang kabuuan ng kanyang salaysay, lumitaw na malalim ang pagkakaiba ng kanyang mga pahayag sa sinumpaang salaysay at sa kanyang testimonya sa hukuman.
Sa bago niyang pahayag, iginiit ni Rogelio na nasa barangay hall siya noong gabi ng insidente bilang tanod at nakarinig lamang siya ng sigawan. Doon niya umano narinig ang tinig ni Edgar na humihingi ng tulong, at nang tumakbo siya papunta sa pinangyarihan, duguan na ang kanyang tiyuhin. Ngunit sa kanyang affidavit o sinumpaang salaysay, sinabi niya namang kasama niya si Edgar pauwi mula sa barangay hall nang marinig nila ang kaguluhan sa bahay ni Berna, at doon diumano niya mismong nakita na sinaksak ni Bogart ang biktima.
Matapos maisara ng tagausig ang kanilang panig, naghain ang akusadong si Bogart, sa tulong ng Public Attorney’s Office (PAO), sa pamamagitan ng isang manananggol pambayan na si Atty. Karl Benjamin R. Fajardo ng PAO-Sarangani District Office, ng Demurrer to Evidence alinsunod sa Section 23, Rule 119 ng Rules on Criminal Procedure, na nagtatakda na maaaring ibasura ng hukuman ang kaso kung ang ebidensya ng tagausig ay hindi sapat upang magtaguyod ng prima facie case laban sa akusado.
Ipinunto ng depensa na ang tanging testigo ay hindi kapani-paniwala at walang ibang independiyenteng patunay na nag-uugnay kay Bogart sa krimen.
Matapos ang paglilitis, sinuri ng hukuman ang lahat ng ebidensya. Sa huli, pinawalang-sala si Bogart.
Ayon sa hukuman, upang mapatunayan ang krimeng murder, kailangan merong: (1) isang taong napatay; (2) ang akusado ang pumatay; (3) ang pagpatay ay may kasamang kuwalipikadong sirkumstansya gaya ng pagtataksil; at (4) ito ay hindi parricide o infanticide.
Sa kasong ito, bagaman napatunayan ang unang rekisito, nabigo naman ang tagausig sa ikalawa at ikatlong rekisito sapagkat walang moral na katiyakan na si Bogart nga ang pumatay, at hindi rin naitaguyod ang pagtataksil o treachery.
Ayon sa jurisprudence, ang treachery ay hindi maaaring ipagpalagay kung ang akusado ay hindi nagpakita ng anumang paghahanda upang siguraduhing walang pagkakataon ang biktima na lumaban o tumakas.
Tinukoy ng hukuman na ang pagbabago ng salaysay ni Rogelio tungkol sa lugar, oras, at paraan ng pagpatay ay sumisira sa kabuuan ng kanyang patotoo. Hindi ito maaaring ipalusot bilang pagkalimot; ito ay nagpapatunay ng kawalan ng katiyakan sa pinakamahalagang bahagi ng kaso — ang pagkakakilanlan ng salarin.
Sa kasong People v. Lumikid (G.R. No. 242695, 23 Hunyo 2020), binigyang-diin ng Korte Suprema na, “Inconsistent statements cannot be dismissed as inconsequential because they go into the very identification of the perpetrator of the crime.”
Samantala, sa People v. Tumambing (659 Phil. 544 [2011]), ipinahayag na ang
matagumpay na pag-uusig ay nakasalalay sa tiyak na pagkakakilanlan ng salarin, at ang presumption of innocence ay hindi mawawasak ng isang pagkakakilanlan na puno ng alinlangan.
Binigyang-diin ng hukuman ang probisyon ng ating Saligang Batas, malinaw ang nakasaad sa Artikulo III, Seksyon 14(2) ng 1987 Konstitusyon:
“In all criminal prosecutions, the accused shall be presumed innocent until the contrary is proved.”
Kalakip nito, sinipi rin ang Rule 133, Section 2 ng Rules on Evidence, na nagtuturo na ang “proof beyond reasonable doubt does not mean absolute certainty, but moral certainty which produces conviction in an unprejudiced mind.”
Sa kabiguan ng tagausig na makamit ang antas ng katibayan na ito, ang akusado ay nararapat na mapawalang-sala.
Matapos suriin ang lahat, pinagtibay ng hukuman na walang sapat na ebidensyang nagpapatunay ng kasalanan ni Bogart.
Ang Demurrer to Evidence ay iginawad, at ang kaso ay ibinasura dahil sa insufficiency of evidence. Iniutos ang kanyang agarang paglaya maliban na lamang kung may iba pang kaso na dahilan ng kanyang pagkakakulong.
Ang kaso ni Bogart ay isang malinaw na paalala na ang hustisya ay hindi maipapataw sa batayang alinlangan o pangalawang salaysay. Ang tungkulin ng pagpapatunay ay laging nasa estado at ang akusado ay hindi pinipilit na patunayan ang sariling kawalang-sala.
Sa huli, nanaig ang batayang prinsipyo — “Mas mabuting makalaya ang isang nagkasala kesa mabilanggo ang isang inosente.” Sa harap ng kawalan ng tiyak na katibayan, ang hukuman ay pinili ang landas ng katarungan — ang landas ng pagdududa na nagbubunga ng kalayaan.








Comments