top of page
Ellen Adarna - IG.jpg

Nabastos daw sa tanong ng reporter… ZAIJIAN, ‘DI NATAKOT NA IPAGTANGGOL SI KANYE

Writer: BULGAR
BULGAR
2 hours ago
3 min read

ni Julie Bonifacio @Winner | October 24, 2026



Zaijian Jaranilla - IG

Photo: Zaijian Jaranilla - IG



Nag-react si Zaijian Jaranilla sa nag-viral na video kung saan sinita niya ang isang reporter na nagtanong sa teen star na si Kanye Avendaño tungkol sa pagpapaseksi.

Dinepensahan ni Zaijian ang 12-year-old na si Kanye nang tanungin ito kung tatanggap siya ng offer na gumawa ng proyekto sa Vivamax. 


Sinabihan ni Zaijian ang reporter na mag-ingat sa ganoong uri ng tanong.

Esplika niya, “Honestly, parang ‘di ko na po napag-isipan. Parang instinct ko na lang na gawin ‘yun out of ano na rin siguro, ‘di naman sa pambabastos. Parang, uh, respeto na lang din po ru’n sa bata. Parang kahit papaano, ‘yun nga po dahil underage s’ya.”


Nakita rin daw ni Zaijian ang initial reaction ng child star sa tanong sa kanya.

“Tapos, uh, nakita naman po natin du’n sa initial reaction n’ya na parang ‘di n’ya alam kung paano sasagutin, kung ano ‘yung sasabihin n’ya,” sabi ng aktor.


Dugtong pa niya, “So, nakita ko po ‘yung reaction n’ya na ‘yun at parang nakita ko na uncomfortable s’ya. Kaya parang nabasa ko po kung ano ‘yung nasa sa loob n’ya.”


Hindi raw personal na karanasan ang dahilan ng pagtatanggol niya kay Kanye, kundi ang pagiging sensitibo sa ganitong uri ng tanong, lalo na sa isang menor-de-edad.


Paglilinaw pa ni Zaijian, “‘Di naman po sa naranasan. Parang, basic common sense na rin po kasi ‘yun. Sa panahon natin ngayon, mas kailangan nating maging sensitive sa mga gusto nating sabihin. Sensitive po kasi ‘yun.”


Nainterbyu namin si Zaijian sa mediacon ng 14th QCinema International Film Festival noong Huwebes, Oktubre 22, dahil kasama ang short film ng aktor na pinamagatang Sana’y Nandito Ka, na mapapanood mula Nobyembre 13 hanggang 22.


Sa ika-14 na edisyon nito, magtatampok ang QCinema International Film Festival ng mga pelikula mula sa Pilipinas at sa buong mundo sa ilalim ng banner ng Genre’teurs, isang curatorial concept na nagtutuklas sa intersection ng genre filmmaking at auteur cinema.

Ipinagdiriwang din ng festival ang Quezon City bilang isa lamang sa dalawang lungsod sa Timog-Silangang Asya na kinilala ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) bilang Creative City of Film.


Nangunguna sa lineup ngayong taon ang world premiere ng Ella Arcangel: Ballad of Tooth and Claw (Ella Arcangel: Awit ng Pangil at Kuko), isang animated feature sa direksiyon ni Mervin Malonzo.


Halaw sa komiks ni Julius Villanueva, sinusundan ng pelikula ang 12-anyos na si Ella (isinaboses ni Bianca Umali), isang batang mambabarang na nakikipaglaban sa masasamang espiritu habang kinakaharap ang karahasan at pang-aabuso sa awtoridad sa kanyang komunidad sa gitna ng giyera ng gobyerno laban sa droga.


Ginawaran ang pelikula ng P1.5-million QCinema Project Market (QPM) Philippines Co-Production Grant noong 2023.


Magsasara ang festival sa Look Back, ang live-action adaptation ng acclaimed manga ni Tatsuki Fujimoto, sa direksiyon ng Japanese filmmaker na si Hirokazu Kore-eda.


Pinagbibidahan nina Natsuki Deguchi bilang Fujino at Aju Makita bilang Kyomoto, sinusundan ng pelikula ang dalawang batang artistang ang pagkakaibigan at pagmamahal sa pagguhit ay humubog sa kanilang buhay at malikhaing paglalakbay.

Nag-premiere ang pelikula sa kompetisyon sa 83rd Venice International Film Festival, kung saan nanalo ito ng limang collateral awards.


Mapapanood ang mga pelikula sa QCinema International Film Festival sa Gateway Cineplex 18, Ayala Malls Cinemas TriNoma, Fisher Box Office at SM Cinema-SM City Fairview.





CHARO AT COCO, BEST ACTRESS AT BEST ACTOR SA 28TH GAWAD PASADO 



WINNER ang Kapamilya artists na sina Charo Santos-Concio at Coco Martin sa 28th Gawad PASADO (Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro) Awards.


Itinanghal na Best Actress si Charo Santos sa pelikulang Only We Know, habang si Coco naman ang napili bilang PinakaPASADOng Aktor sa Telebisyon sa Teleserye para sa FPJ’s Batang Quiapo (BQ) na nakasungkit din ng PinakaPASADOng Programa sa Telebisyon sa Teleserye.


“Kay Sir Deo Edrinal na naniwala sa ‘kin para makapasok ako sa telebisyon, kay CVV (Cory Valenzuela-Vidanes), sa boss namin na si Carlo Katigbak, at sa ABS-CBN sa lahat ng proyektong ipinagkaloob sa ‘kin. 


“Sa lahat ng artistang tumulong sa ‘kin, sa director, crew at staff, at sa aking minamahal na si Julia Montes. Sa Panginoon, sa lahat ng Pilipino, sa pamilya ko. Maraming salamat po. I love you,” bahagi ng acceptance speech ni Coco.

Congratulations, Charo and Coco!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page