Bida sa Filipiñana na entry ng ‘Pinas sa Oscars… JORRYBELL, PUMANAW NA DAHIL SA STAGE 4 LYMPHOMA

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | November 20, 2026

Photo: IG / Jorrybell
Nagluluksa nagsisimula pa lang makilala dahil sa husay niyang umarte, lalo’t ang pelikula niyang Filipiñana ang entry ng Pilipinas sa 99th Academy Awards (Oscars) na gaganapin sa Marso 14, 2027 sa Dolby Theatre, Hollywood, California, USA.
Nu'ng Martes, Nobyembre 17, pumanaw ang aktres at iniwan ang kanyang mga magulang at kapatid na si Jed Agoto, na hindi kaagad isinapubliko ang nangyari sa ilang kadahilanan.
Nu'ng Miyerkules ng umaga namin nalaman ang balita kaya kinumusta namin si Jed kung ano na ang update sa kapatid, pero hindi kami sinagot.
Kahapon, Huwebes nang tanghali, lang kami binalikan ng kapatid ni Jorrybell.
Aniya, “I’m sorry for the late reply, my sister passed away na po nu’ng Tuesday, November 17 (gabi). ‘Di pa namin po ipina-public and please do not spread muna po.”
Akala namin ay nagpapagaling na si Jorrybell dahil sa huli naming pag-uusap ng kanyang kapatid, marami na ang improvements.
“‘Yung katawan n’ya talaga, bumigay po, eh. Nagka-organ failure na, tapos minutes lang, bumaba agad ang BP (blood pressure). ‘Yun, late na namin nalaman na stage 4 ng lymphoma,” sabi ni Jed.
At dahil nakiusap siyang huwag muna kaming maglabas ng balita, sinunod naman namin. Pero ilang minuto pa lang ang nakalipas ay kaliwa’t kanan na ang postings sa social media, tulad ng art card ni Jorrybell mula sa Epicmedia PH na may caption na: “We love you, Belle. No more pain.”
“Mali-leak naman na po talaga kasi hinintay lang din namin na mag-post ‘yung Epicmedia tapos ‘yung AktorPH,” katwiran sa amin ni Jed.
Magkakaroon daw ng burol dito sa Manila pero sandali lang dahil iuuwi siya sa Sarrat, Ilocos Norte kung saan nakabase ang naulilang pamilya ng aktres.
Wala pang ibinigay na detalye si Jed kung saan ibuburol ang ate niya dahil marami pa silang inaayos.
Nakikiramay kami sa pamilya ni Jorrybell Agoto.
ANG daming nagmamahal kay Ms. Ruby Ruiz dahil isang tawag lang niya sa mga kaibigan at nakasamang artista ay nagpuntahan ang lahat sa isinagawang celebrity screening ng pelikula niyang Status: Rejected na ginanap sa Gateway Cinema 7 nitong Miyerkules, Nobyembre 18 na first day of showing din.
Ang mga namataan naming celebrities ay sina Fyang Smith, JM Ibarra, Barbie Forteza, Brent Manalo, Enchong Dee, Rita Avila kasama ang hubby na si Direk FM Reyes, at Bela Padilla.
Bukod sa mga nabanggit ay marami rin kaming nakitang taga-production na nakatrabaho ni Ms. Ruby sa ibang projects. Lahat sila ay suportado ang Status: Rejected.
Paglabas ng sinehan, nakangiti ang mga nanood dahil kahit heartbreaking ang pelikula ay maraming nakakatuwang eksena. Ito ang pelikulang nagkamit ng Best Actress award sa nakaraang 22nd Cinemalaya Film Festival.
At siyempre, hindi magiging epektibo ang karakter ni Ruby bilang si Biring o Virginia kung wala sina Beverly Salviejo bilang Tessie at Alessandra de Rossi bilang Anna.
Nalungkot kami sa pinagdaraanan ni Biring dahil nangungulila siya sa buhay at naghahanap ng partner. Pero mas naawa kami at hindi agad naka-move on kay Anna bilang single mother na hindi sinabi kung ano ang trabaho niya at sinasarili ang problema para buhayin ang ina at anak.
Ang ganda ng Status: Rejected, ‘yung tipong babagsak na ang luha mo, tapos biglang may nakakatawang dayalogo sina Ruby at Beverly pero seryoso sila, huh? Ang husay ng mga bitaw ng linya ng dalawang beteranang aktres.
Sabi ni Rita Avila, “‘Yan ang puwedeng pagkagastusan (5 clapping hands emoji). Ang ganda, ang gagaling nilang lahat, napakanatural nilang lahat.”
Well, halos ito ang narinig naming komento mula sa mga nanood ng Status: Rejected, na palabas na sa 137 sinehan nationwide at may rating na PG-13.
Ito naman ang sey ni Ms. Ruby nang hingan namin ng reaksiyon, “Masayang-masaya. I feel overwhelmed, parang lumulutang ka. ‘Di ko pinangarap ‘to but ibinigay s’ya. It is a great, great blessing.
“Maganda na ‘di lang sa Cinemalaya ‘to mapanood. Sana, marami ang makanood, especially members of the family.”
Samantala, hindi naman nakadalo ang direktor na si Vahn Leinard C. Pascual dahil lumipad ito patungong Tartu, Estonia para dumalo sa Tallinn Black Nights Film Festival.
Sabi nga niya, “First day na ngayon (kahapon) ng Status: Rejected sa mga sinehan nationwide, at sobrang overwhelming sa saya at excitement dahil sa lahat ng nangyayari! (emoji crying).
“Nandito rin ako ngayon sa Europe para sa international premiere ng pelikula namin sa Tallinn Black Nights Film Festival. Sobrang saya lang isipin na habang ipinapakilala namin ang pelikula sa international audience, napapanood na rin ‘to sa mga sinehan sa Pilipinas.
“Naiyak talaga ako nu’ng nakita ko ‘yung poster ng pelikula namin sa sinehan. Parang kailan lang, nangangarap lang akong makagawa ng sarili kong pelikula. Tapos ngayon, nakikita ko na ‘yung poster namin sa mga sinehang dati pinupuntahan ko lang para manood ng pelikula ng ibang direktor. Huhuhu!
“Debut feature film ko ‘to, at sa totoo lang, ‘di ko talaga inakalang magkakaroon kami ng nationwide release. Nu’ng ginagawa namin ‘to, ang gusto ko lang ay maikuwento ang buhay ni Biring. Sana, mas maraming makakilala sa kanya, makakaintindi sa mga pinagdadaanan n’ya, at makakaramdam ng mga bagay na matagal na n’yang kinikimkim.”
Congratulations Cleverminds, Inc. at Black Cap Pictures.





Comments