Bida ng American hit TV series na Heated Rivalry… ANNE, PROUD NA MAY SELFIE KAY CONNOR STORRIE
- BULGAR

- 21 hours ago
- 3 min read
ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | April 19, 2026

Photo: IG _annecurtissmith
Napa-‘sana all’ ang mga netizens sa mga larawang ipinost ni Anne Curtis sa kanyang Instagram (IG) page.
Dumalo ang aktres sa event ng isang jewelry brand na kanyang ineendorso sa New York City at ibinahagi niya ang mga kaganapan.
Sa isang larawan, kapansin-pansin na kasama ni Anne ang American actor na bida ng hit TV series na Heated Rivalry (HR) na si Connor Storrie.
“Drenched in blue. Beautiful evening spent with @tiffanyandco for the Blue Book Gala. I always have the best time in NYC and the surprise performer had me singing my heart out. Thank you for having me and lending me these beautiful and elegant pieces,” caption ni Anne.
Sa kanyang IG Story, makikita rin ang mga reel ng performances ni Mariah Carey sa nasabing event. Naging fangirl si Anne at sey niya, “OMG, MARIAHHHH! The best surprise.”
Nainggit ang mga netizens lalo na sa photo nila ni Connor.
“MAY PILA PO KAY CONNOR. Hahahahaha! Super elegant,” sey ng isang netizen.
Pinuri rin ng mga followers ang mala-diyosa niyang kagandahan at eleganteng blue gown.
Pagkatapos ng event sa New York, dumiretso si Anne Curtis sa Indio, California para manood ng ikalawang performance ng BINI sa Coachella Music and Arts Festival.
Bongga!
IBINIDA ng BINI ang galing at talento ng mga Pilipino sa pagbabalik nila sa Coachella stage para sa ikalawa nilang performance nitong Sabado ng umaga (Abril 18), Philippine Time (PHT), o Biyernes (April 17), Pacific Daylight Time (PDT), bilang pagtatapos ng kanilang makasaysayang journey sa pagbibida ng OPM sa nasabing festival.
Sabay-sabay na binati nina BINI members Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, Jhoanna at Sheena ang mga manonood ng “Mabuhay!” habang ipinakilala ng ilan sa kanila ang sarili gamit ang kani-kanilang dayalekto.
Nagpasalamat din sila sa matinding suportang natanggap at sa pagkakataong muling ibida ang bansa sa isa sa pinakamalalaking festivals sa mundo.
“To everyone watching around the world, we see you. Thank you so much for being here with us again,” ani Sheena.
“Last week it was very unforgettable and we had so much fun. But today, we’re given another chance to represent our beloved country, the Philippines, so we have to make the most out of it,” sabi naman ni Aiah.
May 10 kanta silang inawit sa kanilang 45-minutong set na sinimulan sa Strings at sinundan ng Zero Pressure, Out of My Head, Karera, at Salamin, Salamin.
Nagpaindak din sila sa Blink Twice, Cherry on Top, Blush, at Bikini, bago tinapos ang kanilang Coachella 2026 journey sa Pantropiko tampok ang dance break.
Matapos ang kanilang performance, nanguna ang #BINI_Coachella, BINI BORN FOR COACHELLA at #BINICHELLA sa top 3 worldwide trending topics sa X (dating Twitter).
Sa kanilang pagpasok sa Coachella, gumawa ng kasaysayan ang BINI bilang unang Filipino group na tumuntong sa nasabing entablado.
Ang kanilang unang pagtatanghal noong Abril 11 ay itinuring na isa sa mga highlights ng unang weekend ng Coachella, ayon sa international publications tulad ng Forbes, The Hollywood Reporter, Rolling Stone at The Guardian.
Kabilang din sa most viewed highlights ang live performance videos nila ng Pantropiko na may higit sa 5 million views at Blush na may mahigit sa 1.8 million views sa Coachella YouTube (YT) channel.
Samantala, naghain si Sen. Bam Aquino sa Senado ng Resolution No. 370 na pinupuri ang grupo sa paghahatid ng pride at karangalan sa Pilipinas at sa pagbibida ng Filipino talent sa global stage.
Panoorin ang ikalawang performance ng BINI sa Coachella YT channel Mojave stage livestream. Para sa karagdagang updates, sundan ang BINI sa Facebook (FB), X, Instagram (IG), TikTok (TT) o bisitahin ang bini.abs-cbn.com. Makisaya rin sa fandom ng BINI sa WeVerse site o i-download ang app nito.




Comments