BI Comm. Viado, 3 beses nang natatakasan ng mga pugante, dapat nang sibakin!
- BULGAR

- 37 minutes ago
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 24, 2026

DOBLE-KAMALASAN INABOT NI BONG REVILLA, TALO NA SA ELEKSYON, NAKULONG PA! – Doble kamalasan ang sinapit ni dating Sen. Bong Revilla sa ilalim ng administrasyon ng itinuturing niyang kaibigan na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM).
Isa si Revilla sa mga kandidatong senador na sinuportahan ng administrasyon ngunit nabigo sa halalan noong Mayo 2025. Makalipas ang halos walong buwan, noong Enero 20, 2026, muli siyang dumanas ng matinding dagok matapos makulong sa city jail kaugnay ng kasong malversation of public funds through falsification of public documents, isang kasong walang piyansa.
Ang sunud-sunod na pagkatalo at pagkakakulong na ito sa ilalim ng Marcos administration ay tiyak na hindi niya malilimutan—natalo na sa eleksyon, nakulong pa. Tsk!
XXX
TILA MATINDI ANG NILALAMAN NG MGA IMPEACHMENT COMPLAINTS NG DUTERTE ALLIES LABAN KAY PBBM KAYA HINDI ITO TINANGGAP NG KAMARA – Ang unang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na isinampa ni Atty. Andre De Jesus at inindorso ni Pusong Pinoy partylist Rep. Jett Nisay, gayundin ang ikalawang reklamong isinampa ng Makabayan bloc, ay parehong tinanggap ng Office of the House Secretary General. Subalit ang ikatlong impeachment complaint na inihain ng mga kaalyado ng mga Duterte—kabilang sina dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson, dating Cong. Mike Defensor, at iba pa—ay hindi tinanggap ng Kamara, sa dahilang nasa Taiwan umano si House Secretary General Cheloy Garafil.
Sa totoo lang, kahit wala si House Sec. Gen. Garafil ay maaari pa ring tanggapin ng Kamara ang nasabing reklamo. Ngunit sa kabila ng pagpupumilit ng grupo nina Singson at Defensor, malinaw na walang intensiyong tanggapin ito.
Marahil ay batid ng liderato ng Kamara na mas mabigat at mas seryoso ang mga nilalaman ng impeachment complaints ng mga kaalyado ng Duterte kumpara sa mga naunang reklamo, kaya’t piniling hindi ito tanggapin ng Office of the House Secretary General. Period!
XXX
ONLI IN DA ‘PINAS, HEAD NG ETHICS COMMITTEE SINAMPAHAN NG ETHICS COMPLAINT – Dahil hindi agad inaksyunan ni Sen. JV Ejercito, chairman ng Senate Ethics Committee, ang ethics complaint na isinampa ni Atty. Marvin Aceron noong Oktubre 2, 2025 laban kay Sen. at dating Senate President Chiz Escudero kaugnay ng umano’y pagtanggap nito ng P30 milyon mula sa kontraktor na si Lawrence Lubiano, naghain din ang abogadong ito ng ethics complaint laban mismo kay Sen. JV sa Senado.
Only in the Philippines—na ang pinuno ng Ethics Committee ay nasasampahan din ng ethics complaint. Boom!
XXX
STRIKE 3 NANG NATATAKASAN NG MGA PUGANTE NA DUMAAN SA BACKDOOR EXIT KAYA DAPAT SIBAKIN NA NI PBBM SI BI COMM. VIADO – Kung totoo ang sinabi ni Sec. Jonvic Remulla na nakapuslit palabas ng bansa, dumaan sa backdoor ng Pilipinas, at ngayon ay nasa Cambodia na ang most wanted criminal na si Charlie “Atong” Ang, nararapat lamang na agad sibakin ni PBBM si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado.
Strike three na ito para sa BI. Una, ang pagtakas ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo. Ikalawa, si dating presidential spokesperson Harry Roque, na tulad ni Guo ay nahaharap sa kasong non-bailable na human trafficking kaugnay ng ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO). At ikatlo, si Atong Ang, na nahaharap sa mga kasong non-bailable na multiple counts ng kidnapping with homicide at illegal detention kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero. Period!








Comments