BEA, 'DI INASIKASO NG PRODU, AYAW MAG-PROMOTE NG MOVIE
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | October 02, 2023

Hati ang reaction ng publiko sa isyu ngayon ni Bea Alonzo at ng producer ng pelikulang 1521.
Recently ay may lumabas sa social media tungkol sa mga reklamo ni Bea sa producer ng kanyang pelikula. Hindi raw komportable ang hotel na kanilang tinuluyan habang nagsu-shooting ng movie.
Wala rin daw aircon ang tent na tinutuluyan nila sa set at hindi inayos ang costume na kanyang isusuot.
Isa pang inireklamo ni Bea ay ang hindi pagpapasuweldo sa ibang talents na ginamit sa pelikula.
May paliwanag naman ang producer ng 1521 movie tungkol sa mga talents na hindi pinasuweldo.
Mga dancers daw 'yun na nag-volunteer at pumayag na walang talent fee makasama lang sa pelikula.
At sabi pa ng produ, maraming demands si Bea habang nagsu-shooting.
Balitang ayaw mag-promote ng 1521 ni Bea Alonzo dahil hindi siya naasikaso ng producer habang nagsu-shoot.
Well, makakabuti siguro na magkaroon ng masinsinang pag-uusap ang kampo ng producer at si Bea pagbalik niya mula sa bakasyon nila ni Dominic Roque abroad.
Pero para sa amin, deserve naman ni Bea na alagaan ng sinumang producer na kukuha sa kanya.
Malaking artista si Bea at karapatan niya ang bigyan ng importansiya ng producer.
Hindi ito masasabing pagpi-primadonna 'pag may mga demands sa producer ang isang artista habang nagsu-shooting. Kailangang komportable sa set ang artista upang makapagtrabaho nang maayos. Bigyan din ng karampatang respeto ang artista.





Comments