top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

BDO scam-sandamakmak ang ‘Nagoyo’

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 15, 2021
  • 4 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | December 15, 2021



Parang bombang sumabog sa mga account holder ng Banco De Oro (BDO) Unibank ang napaulat na marami sa kanila ang nawalan ng libu-libong piso sa kanilang deposito dahil sa naganap na online banking scam.


Ang hindi awtorisadong transfer ay napadpad sa Union Bank of the Philippines sa iba’t ibang account, ngunit nangingibabaw sa lahat itong account ng isang “Mark Nagoyo.”


Sa apelyido pa lamang na ‘Nagoyo’, na ang ibig sabihin ay panloloko ay kitang-kita na tila nang-aasar pa ang mga hacker at pinagtatawanan ang kakayahan ng ating mga cyber operatives kaya hindi lang may account sa BDO ang nagoyo nila kung hindi pati mga operatives na harap-harapan nilang hinahamon at minamaliit ang kakayahan.


Nagsimula lamang madiskubre ang iskandalong ito nang ulanin ng mensahe ang social media ng mga may account sa BDO simula noong Disyembre 11 at inirereklamo na biktima umano sila ng illegal transaction gamit ang kanilang account at nai-transfer ang kanilang pera sa Union Bank.


Hanggang sa mabuo na ang grupo sa Facebook na tinawag na ‘Mark Nagoyo BDO Hacked’ na dinagsa na ng mga negatibong komento at mga reklamo mula sa mga naging biktima ng magkakahalintulad na kaso ng hacking.


Dito napansin ang halos iisang pattern na naging estilo para sa mga naging biktima ng hacking na ito at ang naturang hacker ay nagagawang ma-access ang kani-kanilang BDO account kahit na nag-iingat sila na hindi mabunyag sa publiko ang kanilang personal na detalye sa banko.


Nagulat na lamang umano ang mga naging biktima nang makatanggap sila ng email at text notification mula sa BDO na ang isinagawang bank transfer na libong piso ang transaksiyon ay matagumpay na naiproseso o ‘successfully processed’.


Sa ibang pagkakataon, ang nabanggit na cybercriminal ay nagawang makuha ang kanilang one-time PIN (OTP) security feature ng BDO para maisagawa ang naturang ilegal na transaksiyon at napakarami na ng naging biktima bago pa ito nadiskubre.


Ngunit ang nakagugulat sa karamihang mga kaso ay wala umano silang pinuntahang app, walang email na sinagot, walang update sa kanilang account na ginawa, at walang OTP na ipinadadala sa kanila kaya wala silang kamuwang-muwang na nabawasan na pala ang kanilang mga deposito.


Hindi ba’t may isang babae na nawalan ng P50, 025 dahil sa naturang estilo ng hacking at nabigla na lamang umano siya nang makatanggap ng text message mula sa BDO na iniimpormahan lamang siya sa naturang transaksiyon na wala siyang kaalam-alam.


Tulad ng iba pang naging biktima, ang naturang halaga ay napunta sa account ni Nagoyo —patunay na iisa lamang o iisang grupo lamang ang mga salarin na hangggang sa kasalukuyan ay nangangapa pa rin ang ating cyber operatives kung paano iriresolba.


May naging biktima rin na labis umano ang kanyang pag-iingat sa phishing scams, hindi umano basta pumpindot ng kuwestiyunable o hindi tiyak na links at bihirang gamitin ang kanyang BDO debit/account, ngunit hindi rin nakaligtas sa mga malulupit na hacker.


At marami pa ang mga naging biktima ng naturang hacking scheme at siyempre, nagpalabas ng pahayag ang pamunuan ng BDO upang hindi mag-panic ang kanilang mga kliyente at nangako namang ibabalik ang mga nawalang pera sa illegal na transaksiyon.


Maging ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ay nagsabing mayroon na umano silang close coordination sa BDO at Union Bank upang maresolba ang naturang pangyayari kabilang na nga ang pagbabalik ng pera ng mga naging biktima.


Ang masaklap, nakakuha tayo ng ulat na may ibang naging biktima umano na matapos makipag-coordinate sa hotline ng BDO ay sinabihang hindi na nila mababawi pa ang pera.


Ang pagta-transfer ng pera mula sa account patungo sa isang account ay madaling matunton kahit paano ng ating cyber operatives, ngunit kapag ang pera ay ginamit nang pambili ng bitcoin at inilagay na sa Bitcoin wallet ay hindi na masususog ng kahit sinong eksperto.


Ang Bitcoin wallet ay digital wallet na ginagamit sa pagpapadala o pagtanggap ng Bitcoins, na katulad din ng pisikal na wallet, ngunit imbes na pisikal na pera ang ilalagay ay iniimbak dito ang Bitcoins.


Ida-download lamang ang Bitcoin wallet at maaari na itong gamitin sa ilang transaksiyon gamit ang digital money ng mabilis, pribado at higit sa lahat ay ligtas sa mga bayarin na sinisingil ng mga banko sa bawat transaksiyon.


Isa ito ngayon sa nangungunang problema hindi lang ng ating bansa kung hindi ang buong mundo dahil hindi pa naiuugnay ang daloy ng pera patungo sa Bitcoin na ngayon ay ginagamit na rin sa mga buy and sell transaction.


Pero mas higit nating inaalala ang mga kababayan nating may account sa BDO na naging biktima ng hacking dahil oras de-peligro na para mag-Pasko at paano kung ang nanakaw sa kanilang pera ay nakalaan para panggastos nila ngayong Pasko.


Paano ‘yung wala nang ibang pera maliban sa nakadeposito nilang ipon at natangay pa dahil sa tila kakulangan ng matibay na proteksiyon na ibinibigay ng BDO sa kanilang mga kliyente na kahit nangakong ibabalik ang nawalang pera ay hindi pa natin matiyak kung kailan?


Isang matinding wake-up call ang pangyayaring ito dahil ilan na ring insidente ang nangyari na katulad nito at posibleng maulit pa dahil tiyak na araw-araw ay may nagtatangka na gibain ang napakahinang firewall ng ating banking system.


Paano pa pagkakatiwalaan ang ating online banking system kung sa isang iglap ay nasisingitan tayo ng mga tusong alam na alam na hindi tayo kayang bigyang-proteksyion ng mga bangkong pinagkakatiwalaan natin sa ating pinagsikapang kabuhayan?


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page