Bayanihan para sa muling pagbangon ng mas matatag na Pilipinas

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | November 18, 2020
Magkasunod na mga bagyo ang dumaan sa ating bansa nitong nakalipas na mga buwan. Bukod dito, kinahaharap pa natin ang pandemya na dulot ng COVID-19. Naniniwala tayong sa bawat trahedya at pagsubok na hinaharap natin, sama-sama tayong babangon at magiging mas matatag at nagkakaisang bansa.
Sa kabila ng patung-patong na pagsubok, pinatunayan ng gobyerno na kontrolado natin ang sitwasyon. Ang mga ahensiya ay naroon na sa ground zero at ang lahat ng mga kagamitan sa pagresponde ay naka-deploy agad.
Bago pa man dumating ang bagyo, nagbigay na ng marching orders si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga departamento, pati na rin sa mga tanggapan sa ilalim nila, kasama na ang ating mga lokal na pamahalaan.
Sa madaling salita, ang gobyerno ay all hands-on deck. In charge ang Pangulo at alam niya kung ano ang ginagawang paghahanda at paano reresponde sa pangangailangan ng ating mga kababayan. Alam niya kung ano ang nangyayari sa iba’t ibang parte ng bansa, lalung-lalo na sa mga apektado ng mga kalamidad at sakuna.
Kaya naman, hindi na dapat pa tanungin kung nasaan ang Pangulo. Kasama siya sa mga pagpaplano at paghahanda ng mga proseso. Kasama niya tayo sa bawat pagsubok na hinaharap ng ating bayan. Bagkus, tingnan natin kung ano ang ginagawa ng bawat sangay ng pamahalaan — lalo na ng ating military, police at coast guard — sa kanyang direksiyon.
Hindi man perpekto ang lahat ng ating mga ginawa, ginagawa natin ang lahat sa abot ng ating makakaya upang gampanan ang tungkulin ng bawat isa. Kita naman sa mga datos na ‘yung mga buhay na nasagip, mas maraming nakapag-evacuate at mas napanatili natin ang kaligtasan, seguridad at kaayusan ng ating mga komunidad, lalo na kung ikukumpara natin sa mga nagdaang kalamidad.
Sa kabila nito, hindi natin maitatangging malaki pa rin ang pinsala na dulot ng mga kalamidad na dinanas natin ngayon. At maraming lokal na pamahalaan ang naubusan na ng pera para sa kanilang recovery and rehabilitation.
Iisang gobyerno lang tayo. Mas mabuti kung pag-isahin natin ang pagbibigay ng tulong para maging mabilis, organisado at epektibo ito.
Bagama’t katangian ng bawat Pilipino ang pagiging resilient o matatag sa harap ng anumang sakuna, tungkulin ng gobyerno na gawing ‘disaster resilient’ ang mga komunidad upang sapat na maprotektahan ang buhay ng bawat Pilipino.
Dito papasok ang Task Force na itatayo para sa recovery and rehabilitation. May klaro itong mandato at kapasidad upang maimplementa ang mga programa hanggang makabangon muli ang ating mga kababayan. Hindi ito titigil hanggang sa matapos ang trabaho.
Bukod sa rescue and response operations, importanteng matutukan ng task force kung paano gawing mas disaster resilient ang mga komunidad na palaging tinatamaan ng sakuna.
Higit sa lahat, mas mainam din na magkaroon na tayo ng Department of Disaster Resilience, na ngayon ay isinusulong natin sa Senado sa pamamagitan ng Senate Bill 205. Kapag nabuo ito, mapag-iisa ang mga responsibilidad ng mga ahensiyang may kaugnay sa disaster preparedness, response and recovery, na sa ngayon ay magkahiwalay pa rin sa iba’t ibang ahensiya.
Hindi dapat tayo tumigil sa pagtulong lamang. Dapat ayusin natin ang sistema para mas maging epektibo ang ating serbisyo at para walang maiiwang Pilipino.
Sa pagbangon natin sa trahedya, hindi lang dapat rebuilding ang ating pagtuunan. Mas mahalaga ang pag “build back better”. Kung ibabalik lang natin ang nakagawian, mauulit din lang ang problema kapag may panibagong kalamidad na darating. Magbayanihan tayo—sama-sama tayo tungo sa pagiging mas matatag at nagkakaisang bansa!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments