top of page

Bayanihan ang paraan upang mapagtagumpayan ang suliranin sa bansa!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 25, 2020
  • 2 min read

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | November 25, 2020



Mahirap ang pinagdaraanan natin ngayon dahil sa COVID-19 at sunud-sunod na mga kalamidad. Walang tigil ang trabaho ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para tulungan ang mamamayang apektado nito. Mula sa pinakamataas na mga opisyal hanggang sa mga frontliners, sinusuong ang panganib para lang tulungan ang bawat Pilipino.


Noong ligtas na para bumiyahe, nag-aerial surveys tayo sa Cagayan Valley at Camarines Sur. Dumayo tayo sa mga briefings sa Tuguegarao City at Naga City para masuri nang mas maayos ang sitwasyon at malaman kung anong mga lugar ang nangangailangan pa ng ayuda sa kabila ng mga paunang tulong na ibinigay ng pamahalaan.


Nakalulungkot na may iilan pa ring namatay dahil sa bagyo. Lahat kami ay nakikiramay sa mga naiwan nilang mahal sa buhay. Sisiguraduhin nating matulungan sila pati na ang lahat ng apektado ng trahedyang ito.


Nagpapasalamat tayo sa Pangulo sa pagtugon nito sa ating apela na bigyan ng financial assistance ang mga LGUs na nasalanta ng Bagyong Ulysses. Nauna na ring nabigyan bilang tugon sa ating naunang apela ang mga LGUs na tinamaan naman ng Bagyong Quinta at Rolly.


Ang dagdag na pondong ito sa kanilang mga calamity funds ay magagamit nila upang mas matulungang makabangon ang kanilang mga nasasakupan at para masigurong walang magugutom o mapapabayaan. Alam nating halos lahat ng LGUs ay ubos na ang kanilang calamity fund. Hindi lang dahil sa kalamidad, pero dahil din sa COVID-19 na naglagay sa bansa natin sa state of calamity.


Tulad ng naunang naaprubahan, P1.5-B ang in-allot ng DBM para sa mga LGUs na pinaka-apektado. Bukod rito, mayroon ding P500-M na itinabi ang DBM for incremental financial assistance to the same LGUs and to other affected LGUs that may be identified by NDRRMC and/or DSWD.


Hindi tayo pababayaan ni Pangulong Duterte at ng administrasyong ito. Gagawin natin ang lahat sa abot ng aming makakaya para matulungan kayong makabangon at malampasan ang mga krisis na ating hinaharap.


Nitong nakaraang linggo, personal na binisita natin, kasama ang mga ibang ahensiya ng gobyerno, ang mga taga-Marikina, Rizal, at Bulacan para magbigay ng ayuda, tulad ng mga pagkain, masks, face shields, gamot, at iba pa sa mga pamilya na apektado ng mga dumaang sakuna.


Patuloy ding nag-iikot ang ating staff sa iba’t ibang lugar tulad ng Cagayan para rumesponde sa mga pangangailangan ng ating mga kababayan. May ilang mga private school teachers at informal sector workers din tayong natulungan sa pamamagitan ng programa ng DOLE.


Pandemya, bagyo, lindol o anumang suliranin, palagi tayong handa para tulungan ang bawat isa. Magtulungan tayo, kayang-kaya natin ito! Magbayanihan tayo!

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page