Bayanihan: Ang new normal sa bagong taon

Updated: Jan 9, 2021
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | January 6, 2021
Isang manigong bagong taon sa inyong lahat! Naniniwala tayong ang 2021 ay taon ng pag-asa at muling pagsisimula.
Hindi naging madali sa atin ang nakaraang taon. Hinarap natin ang kalamidad, iba’t ibang krisis at higit sa lahat, isang pandemya na patuloy pa ring nakakaapekto sa buhay ng bawat isa sa mundo, lalo na sa kabuhayan ng maraming Pilipino.
Nasubukan ang katatagan at pananampalataya nating mga Pilipino. Pero ang importante ay hindi tayo sumuko at nilabanan natin ito bilang nagkakaisa at mas matatag na bansa.
Sa pagsisimula ng bagong taon, ipagpatuloy natin ang bayanihan at pagmamalasakit sa kapwa. Noong Enero 4, personal tayong kinumusta at tinulungan sa pamamagitan ng pagbigay ng pagkain, food packs, masks, face shields, at vitamins ang mga ordinaryong empleyado sa dalawang golf clubs sa Davao city. Dati ay daily sila kumikita pero ngayon, once or twice a week na lang. Kulang talaga ang kita nila. Hirap talaga lalo na ‘yung may mga anak na binubuhay kung kaya’t naisipan naming mag-abot ng agarang tulong para mapagaan ang pinapasan nila.
Kahapon naman, Enero 5, pinuntahan din natin ang mga market vendors sa Malaybalay City, Bukidnon na hirap ding iahon ang kanilang kabuhayan. Namigay din ng parehong tulong sa mga market vendors sa Kitaotao at Quezon sa Bukidnon. Ang isang team natin ay rumesponde sa mga pangangailangan ng mga biktima ng sunog sa Barangay Culiat, Quezon City.
Samantala, may balita na mas kumalat pa ang bagong strain ng COVID-19 sa mas maraming bansa sa mundo. Huwag nating hayaang umabot ang bagong strain na ito sa ating bansa. Kung gaano kabilis kumalat ang sakit na ito, mas mabilis pa dapat ang aksiyon natin para proteksiyunan ang buhay ng bawat Pilipino. Matuto tayo sa pinagdaanan natin noong nakaraang taon.
Samantala, mayroong balita na may iilang humihingi ng exemption sa travel ban o sa quarantine measures. Babala lang, huwag n’yo unahin ang inyong sarili! Pantay-pantay ang patakaran — walang mayaman o mahirap. Para ito sa kapakanan ng bawat Pilipino. Buhay ng bawat isa ang unahin natin! Kung may mapatunayan na korup o nagpapalusot, dapat pasagasaan kayo ng eroplano!
Tandaan, importante ang buhay ng bawat Pilipino. Ang maayos na kalusugan at ligtas na komunidad ang dapat nating ipamahagi sa ating mga mahal sa buhay ngayong bagong taon.
Kaugnay nito, ginagawan din natin ng solusyon na ipagpaliban muna ang pag-increase ng rates ng contributions sa PhilHealth habang meron pa tayong pandemyang kinahaharap.
Nakikiusap tayo sa Pangulo at sa government finance managers na gawan muna ng paraan dahil hirap na ang ating mga kababayan at para rin mapagaan ang pinapasan ng taumbayan. Karamihan sa kanila ay nawalan ng trabaho. Paano natin pagbabayarin ang ordinaryong Pilipino kung nawalan sila ng kabuhayan?
Nagsalita na rin ang Pangulo tungkol dito at inatasan niya ang opisyales na siguraduhing maibigay pa rin ang serbisyong pangkalusugan na kailangan ng mga tao sa paraang hindi madadagdagan ang kasalukuyang hirap na kanilang pinapasan.
Ang hiling lamang natin ay patuloy tayong magtulungan at magbayanihan para sa ikabubuti ng ating bansa. Ngayong bagong taon, isapuso na natin na ang bayanihan ay parte na ng ating ‘new normal’.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments