Bawi-lisensya sa mga driver na positibo sa droga, dapat lang
- BULGAR

- May 7
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | May 7, 2025

Kung may lisensya sa pagmamaneho, hindi ba dapat maging responsable sa lahat ng oras? Kung wala ring disiplina, tama lang na bawiin ito sa mga pasaway at abusado.
Ito ang naging aksyon ng Land Transportation Office (LTO) na agarang pagbawi ng lisensya sa halos 100 motorista na nagpositibo sa ilegal na droga.
Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, matapos ang confirmatory test, 98 na driver ang positive sa ipinagbabawal na gamot at kanilang ni-revoke ang mga lisensya na may perpetual disqualification.
Pinakamarami sa kanila aniya ay mga tsuper ng provincial buses, kung saan 55 sa mga kaso ay mula sa Zamboanga Peninsula.
Sa rami pa lang niyan tila nagbibilang na sa mga potensyal na trahedya sa kalsada. Napapanahon lamang ang hakbang na ito ng LTO at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at bawiin ang mga lisensya ng mga nagpositibo sa droga, lalo na’t ginagawa nila ito para maiwasan ang katulad na malagim na nangyari kamakailan sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) at sa departure area ng NAIA Terminal 1, na kumitil ng maraming buhay.
Matatandaang, nito lamang nakaraang buwan ay nagsuspinde rin ang LTO ng 671 driver’s license dahil sa pagkakasangkot sa road accident at nagpositibo sa test sa illegal drugs ang mga ito.
Patunay lamang sa mga datos na ito na kailangan nang tutukan ang ating mga public transport driver.
Mabuti rin ang naging desisyon ni Transport Secretary Vince Dizon na i-require na ang mandatory drug test sa lahat ng driver ng public utility vehicles (PUV).
Sa ganang akin, hindi sapat ang preno at seatbelt — kailangan ng malinis na pag-iisip at responsableng paghawak ng manibela, gayundin ang disiplina sa kalsada.
Hindi sa minamaliit natin ang kapangyarihang hawak ng isang driver sa bawat biyahe nito, subalit kung ayaw maging disiplinado, hindi dapat bigyan ng karapatang magmaneho.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments