Bukod sa isyu ng prenup… DOMINIC, ‘DI MAPANTAYAN ANG YAMAN NI BEA KAYA UMATRAS SA KASAL NOON
- BULGAR

- May 30
- 3 min read
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | May 30, 2026

Photo: Bea Alonzo at Dominic Roque - fb
Nang hindi natuloy ang kasal nina Dominic Roque at Bea Alonzo, marami ang nagsabing ang isyu sa prenup agreement ang isa sa mga dahilan ng kanilang paghihiwalay.
Labis itong ikinahinayang ng kanilang mga fans dahil inaabangan na noon ang kanilang pag-iisang-dibdib.
Ayon sa source, ang isa pang itinuturong dahilan kung bakit umatras si Dom sa kasal nila ng aktres ay pakiramdam daw nito, hindi niya mapapantayan ang mga mamahaling regalong ibinibigay sa kanya ni Bea. Doon diumano niya naisip na magkaiba sila ng mundo kaya nauwi sa paghihiwalay ang kanilang relasyon.
Hindi nagtagal ay muling umibig si Dominic Roque sa kapwa aktres na si Sue Ramirez. Marami ang nagsasabing bagay at maayos ang kanilang relasyon.
Si Bea Alonzo naman ay nakarelasyon ang multi-billionaire businessman na si Vincent Co. Inasahang ikakasal sila sa Spain noong May 16, 2026 pero hindi nagkasundo tungkol sa prenup.
Sa ngayon ay nakatuon ang aktres sa bago niyang serye sa GMA-7 na Whispers From Heaven (WFH). Tuloy ang buhay para kay Bea at sa career muna siya naka-focus ngayon.
Kahit oks sa mga anak na magkadyowa uli…
JANICE, PASS NA SA MGA LALAKI
AT this point of her life, tahimik na ang buhay ng beteranang aktres na si Janice de Belen. Malalaki na ang kanyang mga anak at marami na siyang oras para sa sarili.
Puwede na siyang mag-travel sa kahit saang tourist destination na gusto niya dahil hawak niya ang kanyang oras at wala na siyang stress bilang single mom.
Gusto ng mga anak ni Janice na muli siyang mag-entertain ng manliligaw upang magkaroon ng love life at inspirasyon.
Pero ayon sa aktres, ‘quota’ na siya sa pag-ibig. Naranasan naman niya ang umibig at magkaroon ng seryosong relasyon, at masaya na siya sa naging takbo ng kanyang buhay.
May 5 siyang anak na patuloy na nagbibigay ng saya sa kanya. May isa siyang anak kay Aga Muhlach na si Luigi, na isa nang chef ngayon, at apat naman sa aktor na si John Estrada na sina Inah, Moira, Kaila at Yuan.
So far, wala siyang pinagsisisihan sa kanyang mga naging relasyon. Maayos ang co-parenting setup nila ni John para sa kanilang mga anak. Nagkikita-kita sila tuwing may mga special occasions.
Sa ngayon, hindi na rin siya apektado sa mga komentong may kinalaman sa kanyang pangangatawan. Tanggap niya ang kanyang edad at mas pinipili niyang i-enjoy ang buhay kaysa mag-focus sa diet.
Nag-e-enjoy si Janice de Belen sa kasalukuyan dahil malaya niyang nagagawa ang mga bagay na gusto niya at nasusulit ang oras para sa sarili at pamilya.
BALIK-KAPUSO si Ryza Cenon at kasama siya sa cast ng Hari ng Tondo (HNT), ang seryeng pagbibidahan nina Dennis Trillo at Ruru Madrid.
Matagal ding nagpahinga sa showbiz si Ryza mula nang lisanin niya ang GMA Network. Ang huli niyang serye sa GMA ay ang Ika-6 na Utos (INU), kung saan tumatak ang kanyang karakter bilang si Georgia, isang papel na umani ng matinding reaksiyon mula sa mga manonood dahil kabit.
Bagama’t naging kontrobersiyal ang karakter na iyon, maraming pumuri sa kanyang husay sa pag-arte.
Si Ryza ay itinanghal noon na Ultimate Female Survivor ng StarStruck 2.
Ngayon, muli siyang naging aktibo sa showbiz at tinanggap muli ng GMA-7 dahil sa kanyang talento at kakayahan bilang aktres.
ESPESYAL ang inihandang episodes ng comedy-drama serye na Pepito Manaloto (PM) para sa 16th anniversary ng sitcom. Ito ay mapapanood ngayong May 30, at ang second part ay sa June 6, 2026.
Bukod sa kanilang summer episode taun-taon, mas pinaghahandaan ngayon ang 16th anniversary episodes. May mga sorpresa silang inihanda at mga guest stars na itatampok.
Ang lahat ng cast ay may kani-kanyang partisipasyon.
Inspirado si Michael V. kapag may special episodes ang PM, kaya naman tiyak na aabangan ng lahat ang two-part 16th anniversary episode ng Pepito Manaloto.





Comments