top of page
Gary V. - IG.jpg

Bawat Pilipino dapat may maayos na healthcare

Writer: BULGAR
BULGAR
7 hours ago
3 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | September 11, 2026



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Bilang isang health reform crusader, patuloy kong isinusulong na mabigyan ng sapat na pondo ang ating sektor ng kalusugan upang mas maraming Pilipino ang makinabang sa mga serbisyong medikal na kailangan nila.


Sa pagdinig ng Senado noong September 4 para sa panukalang 2027 budget ng Department of Health (DOH) at mga attached agencies nito, inihayag natin ang suporta sa kanilang budget proposal. Importante ang budget sa kalusugan dahil investment ito sa ating mga mamamayan. Health is wealth at ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino.


Kasabay nito, binigyang-diin ko ang pangangailangang mabigyan ng sapat na pondo ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth). Napakalayo pa natin sa full implementation ng Republic Act No. 11223 o ang Universal Health Care Act, kung saan layong maibaba nang husto ang out-of-pocket expenses o panggastos mula sa sariling bulsa ng pasyente.


Tulad ng dati na nating ipinaglalaban, nanawagan ako sa PhilHealth na gamitin sa health ng Pilipino ang pondong nakalaan sa health. Hindi negosyo ang PhilHealth kaya’t hindi ito dapat nagkakaroon ng excess funds habang marami pa ring Pilipino ang nagkakasakit, namamatay, at takot na magpa-ospital dahil sa laki ng gastusing medikal.


Bilang resulta ng patuloy nating pagbabantay at pagsusulong ng mas maayos na health benefits, nagpapasalamat tayo sa PhilHealth dahil sa mga ipinatupad na reporma tulad ng itinaas na case rates; dagdag na benefit packages para sa dental services, optometric care at emergency outpatient services; pag-scrap sa Single Period of Confinement rule; at pagpapatigil sa 24-hour confinement requirement. Nilabanan natin ang mga polisiyang illogical, outdated, at anti-poor.


Patuloy ko ring isinusulong ang pagkakaroon ng mas maayos na PhilHealth identification system, na maaari ring maiugnay sa National ID. Mahalaga na alam ng bawat Pilipino na sakop sila ng Universal Health Care at naiintindihan nila ang mga benepisyong maaari nilang makuha.


Magandang balita rin para sa mga pasyenteng nangangailangan ang pagtitiyak ng DOH na tuloy-tuloy ang operasyon ng Malasakit Centers Program. Bilang principal author at sponsor ng Republic Act No. 11463 o ang Malasakit Centers Act of 2019, patuloy nating binabantayan na maisakatuparan nang maayos ang layunin ng batas na gawing mas madali para sa mga mahihirap at indigent patients na makakuha ng tulong medikal mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa ilalim ng isang bubong.


Mahalaga rin na patuloy na suportahan ang Cancer Assistance Fund, pagpapahusay ng mga health facility, pagtatayo at pagpapaunlad ng Regional Specialty Centers, at pagkuha at pagpapanatili ng sapat na healthcare workers. Magkakaugnay ang mga ito sa layunin nating gawing mas accessible at abot-kaya ang serbisyong pangkalusugan.


Dasal ko na dumating tayo sa puntong hindi takot ang Pilipinong magpa-ospital dahil iniisip niya agad kung saan kukuha ng pambayad. Bilang inyong senador, magtatrabaho ako sa abot ng aking makakaya para mailapit sa Pilipino ang mas maayos na serbisyong medikal.


Patuloy rin ang ating Malasakit Team sa paghahatid ng tulong sa ating mga kababayang nangangailangan. Natulungan nila ang mga pamilyang naapektuhan ng habagat sa Hagonoy, Bulacan; La Trinidad, Atok, Tublay, at Buguias sa Benguet; Minalin, Sto. Tomas, Mexico at San Luis sa Pampanga; at Cabangan at Subic sa Zambales.


Tinulungan din natin ang mga nasunugan sa Cagayan de Oro City at Surigao City. Nakatanggap din ng tulong mula sa ating Malasakit Team ang mga indigent na residente ng Batuan, Masbate, katuwang ang lokal na pamahalaan.


Nitong September 6 rin ay dumalo tayo sa opening ceremony ng UNTV Cup Executive Face-Off Basketball League sa San Juan City. Nagpapasalamat tayo kay Kuya Daniel Razon at sa lahat ng organizers. Matapos ang opening ceremony ay masaya akong nakapaglaro kasama ang aking mga teammates sa Senate Sentinels.


Bilang Mr. Malasakit, patuloy kong isinusulong ang mga programa at panukalang batas na makatutulong sa pagpapabuti ng buhay ng ating mga kapwa Pilipino, lalo na pagdating sa kalusugan. Bukas ang aking opisina at patuloy akong tutulong at magseserbisyo sa abot ng aking makakaya, dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page