Bawat biktima ng krimen ay sumisigaw ng katarungan at hustisya
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | September 12, 2021
Kahit sa panahon ng pandemya ay laman pa rin ng mga pahayagan at balita — sa telebisyon man o sa radyo ang mga nangyayaring nakawan, holdapan, patayan, pang-aabuso at iba pang uri ng paglapastangan sa karapatan ng bawat mamamayan sa alinmang antas ng lipunan na kanilang kinabibilangan. Parang wala nang lugar na mapuntahan ang mga tao na sila ay ligtas sa mga panganib sa nakawan, patayan at kaguluhan. Dulot na rin marahil ito sa nararanasang hirap sa kawalan ng trabaho ng iba nating kababayan. Subalit hindi dahilan ang nararanasang kahirapan ng tao upang siya ay gumawa ng labag sa batas dahil mahirap din para sa kanyang biktima ang malapastangan ang kanyang karapatan.
Sa mga nabibiktima ng mga krimen at anumang uri ng karahasan, may karapatang marapat na bigyan ng pansin ng estado.
Ang bawat biktima ng kalapastanganan ay sumisigaw ng katarungan sa kaibuturan ng kanilang puso at isipan dahilan sa ang pagkawala ng kanilang pag-aari at mahal sa buhay ay tunay na magiging sanhi ng ibayong sakit sa kanilang kalooban. Kapag ang tao ay nawalan ng isang bagay na kanyang pinaghirapan ay lubos niya itong panghihinayangan. Nanaisin nitong mabawi ang mga bagay na ito mula sa taong kumuha nito. Kapag buhay naman ang nawala ay pipilitin nitong pagbayarin ang taong responsable sa pagkitil nito. Kapag ang dangal naman ang niyurakan ay nanaisin ng biktima na makitang naghihirap ang taong gumawa nito sa kanya. Bawat biktima ng krimen ay sumisigaw ng katarungan at hustisya.
Ito ay normal na reaksiyon ng bawat tao na inagawan ng bagay na mahalaga sa kanyang buhay — buhay man ito ng mahal niya sa buhay o simpleng pagmamay-ari nito. Ito ay kinikilala ng batas ng tao alinsunod na rin sa matandang kasabihan na tinaguriang “Golden Rule” o “Huwag mong gawin sa iyong kapwa ang ayaw mong gawin din sa iyo.”
Subalit ang mga batas ng tao ay ginawang balansiyado sa pagitan ng mga biktima at ng mga akusado. Ang mga karapatan ng mga biktima ay ating tatalakayin. Ang “Criminal Justice System” ay mayroong limang haligi, ito ay ang mga sumusunod:
1. Law Enforcement
2. Prosecution
3. Judicial
4. Corrections
5. Community
Ang limang haliging ito ay magkakaugnay at ipinamamalas ang iba’t ibang proseso ng ating hustisya kung saan ang biktima at maysala ay parehong binibigyan ng karapatan at katarungan. Matapos na ang krimen ay naganap, ang taong inakusahang gumawa ng nasabing krimen ay isasailalim sa pag-aresto at imbestigasyon (law enforcement), prosekusyon (prosecution), paglilitis at pagpapataw ng kaukulang kaparusahan (judicial) at pagsisilbi ng kaukulang parusa na naipataw sa kanya (correction). Matapos ang kanyang pagsisilbi o siya ay nabigyan ng parole o pardon, ang dating preso ay babalik sa lipunan na dati niyang ginagalawan.
Sa prosekusyon ng krimen, ang biktima ay tinataguriang testigong nagrereklamo at siya ang isa sa mga magpapatunay ng krimeng nagawa. Kung siya ay may sariling abogado, ang pangunahing tagapagtanggol pa rin nito bukod sa kanyang abogado ay ang public prosecutor o piskal na nakatalaga sa paglilitis ng kanyang kaso. Sa kawalan ng sarili niyang abogado, ang biktima ay ipagtatanggol ng public prosecutor.
Karapatan ng biktima na patunayan ang krimen na nagawa laban sa kanya sa pamamagitan ng mga ebidensiya. Tulad ng ibang testigo sa krimen, ang biktima bilang testigo ay may mga karapatang dapat marespeto katulad ng mga sumusunod:
1. Maprotektahan laban sa mga nakakainsultong pagtatanong at marahas na pag-uugali;
2. Karapatang magpahayag ng kanyang testimonya nang hindi mas mahaba sa hinihingi ng hustisya;
3. Karapatang matanong lamang ng mga bagay na may kinalaman sa kaso at isyu;
4. Karapatang tumangging magbigay ng sagot na maaaring magpababa ng kanyang reputasyon, maliban lamang kung ang nasabing paksa ay mahalaga sa pinag-uusapan; at
5. Karapatang tumangging sumagot ng tanong na maaaring maging sanhi ng pagsasampa ng kaso sa kanya maliban lamang kung ito ay ipinag-uutos ng batas.





Comments