Bawal pamanahan ang nagkasala ng adultery o concubinage
- BULGAR

- Aug 30
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 30, 2025

Dear Chief Acosta,
Ang tatay ko ay nagkaroon ng ibang kinakasama. Kaya naman nagdesisyon ang nanay namin na iwanan na siya. Dahil dito, ang kasama na ng tatay ko at ang nag-alaga na sa kanya ay ang bago niyang kinakasama. Nang mamatay ang tatay ko, nalaman namin na pinamanahan niya pala ang bago niyang kinasama dahil siya diumano ang nag-alaga sa kanya nang siya ay iwan namin. Nais ko lang malaman kung maaari bang magmana ang bagong kinasama ng tatay ko habang siya ay legal na kasal sa nanay ko? – Felicita
Dear Felicita,
Ang kasagutan sa iyong tanong ay nakasaad sa Article 1028 ng New Civil Code of the Philippines:
“Article 1028. The prohibitions mentioned in article 739, concerning donations inter vivos shall apply to testamentary provisions.”
Para lalo nating maintindihan ito ay alamin natin ang nakasulat sa Article 739 ng New Civil Code of the Philippines:
“Article 739. The following donations shall be void:
(1) Those made between persons who were guilty of adultery or concubinage at the time of the donation;
(2) Those made between persons found guilty of the same criminal offense, in consideration thereof;
(3)Those made to a public officer or his wife, descendants and ascendants, by reason of his office.
In the case referred to in No. 1, the action for declaration of nullity may be brought by the spouse of the donor or donee; and the guilt of the donor and donee may be proved by preponderance of evidence in the same action.”
Malinaw ang nakasulat sa Article 1028 na ang mga ipinagbabawal na bigyan ng donasyon ayon sa Article 739, ay hindi rin maaaring magmana sa pamamagitan ng huling habilin o “last will and testament.” Isa sa mga nakasaad sa mga nasabing artikulo ay bawal magbigay ng donasyon at bawal pamanahan ang mga taong nagkasala ng tinatawag na adultery o concubinage. Ayon naman sa Revised Penal Code ng Pilipinas, ang isang lalaki na nakipamahay sa ibang babae maliban sa kanyang legal na asawa ay maaaring makasuhan ng concubinage. (Art. 334, Revised Penal Code)
Ang isang maaaring maging tanong ngayon ay kung kailangan ba na kinasuhan muna ng kasong kriminal na “concubinage” ang lalaki bago siya mapagbawalan na magbigay ng donasyon o magpamana sa kanyang ibang kinakasama? Ang sagot ay hindi. Kailangan lang mapatunayan ito sa pamamagitan ng tinatawag na “preponderance of evidence” sa paglilitis na may kaugnayan sa pagsusuri ng huling habilin ng namatay.
Dahil dito, sa sitwasyon ng iyong tatay na siya ay nakisama sa ibang babae maliban sa kanyang legal na asawa, ang kanyang pamana sa taong kanyang kinasama ay maaaring hindi maging legal o ito ay walang bisa alinsunod sa batas. Ito ay ipinagbabawal na pamana sa pagitan ng dalawang tao na nagkasala ng “concubinage”.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.








Comments