Bawal ipahiram ang passport
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | October 25, 2021
Dear Chief Acosta,
Gustong bumisita ng kapatid ko sa Thailand upang makapiling ang aming ina na overseas Filipino worker (OFW) sa kanyang parating na kaarawan. Subalit, wala pang passport ang kapatid ko kung kaya’t nais niya sanang hiramin ang aking passport para sa kanyang balak na pagbisita. May batas ba na nagbabawal na magpagamit ng passport sa ibang tao? – Karlene
Dear Karlene,
Ang batas na sumasaklaw sa inyong katanungan ay ang Republic Act No. 8239 na mas kilala bilang “Philippine Passport Act of 1996,” kung saan nakasaad ang sumusunod:
“SEC. 19. Offenses and Penalties. – A passport being a proclamation of the citizenship of a Filipino, is a document that is superior to all other official documents. As such, it should be accorded the highest respect by its holder that to do damage to its integrity and validity is a serious crime that should be penalized accordingly: xxx d) Offenses Relating to Improper Use:
Penalties. – Any person who willfully and knowingly: 1. Uses or attempts to use, any passport issued or designed for the use of another or any supporting documents for a passport application which belongs to another; xxx 4. Defaces or destroys a Philippine passport, shall be punished by a fine of not less than sixty thousand pesos (₱60,000) nor more than one hundred fifty thousand pesos (₱150,000) and imprisonment of not less than six (6) years nor more than fifteen years.”
(Binigyang-diin)
Malinaw na nakasaad sa nasabing probisyon ng batas na ipinagbabawal ang paggamit ng passport na na-issue na para sa ibang tao, pati ang alinmang supporting documents para sa passport application na siya ring pagmamay-ari ng ibang tao. Sa inyong sitwasyon, kung nais makabisita ng inyong kapatid sa inyong ina sa Thailand, nararapat niyang dumaan sa tamang proseso ng batas upang makatanggap siya ng sariling passport na gagamitin niya para sa kanyang pagbisita. Mariing ipinagbabawal ng batas ang pagpapahiram ng na-issue na passport sa ibang tao.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments