top of page

Bawal ang pagpaparami ng mga isda sa mga katubigan nang walang pag-apruba ng DA

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 8 minutes ago
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 6, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Nalaman ko sa aking kapitbahay na ang kanyang aquarium ay napapanatiling malinis dahil sa kanyang alagang janitor fish. Nais kong malaman kung maaari ba akong magparami ng janitor fish sa kalapit na sapa upang malinis din ang tubig nito. -- Ailyn



Dear Ailyn, 


Inamyendahan ng Republic Act No.  10654 ang Republic Act No. 8550, o mas kilala bilang “The Philippine Fisheries Code of 1998,” upang matiyak ang makatuwiran at napapanatiling pag-unlad, pamamahala, at konserbasyon ng pangisdaan at yamang-tubig sa katubigan ng Pilipinas, kabilang ang Exclusive Economic Zone (EEZ) at sa mga katabing malalayong karagatan, na naaayon sa pangunahing layunin na mapanatili ang isang maayos na balanseng ekolohikal, protektahan, at pahusayin ang kalidad ng kapaligiran. Nilalayon din ng batas na ito na mapanatili ng ating bansa ang pangako nito sa mga internasyonal na kumbensyon at makikipagtulungan sa ibang mga estado at mga internasyonal na katawan, upang pangalagaan at pamahalaan ang mga nanganganib na uri ng isda sa katubigan, mga isdang nasa pagitan ng mga karagatan, mga isdang lumilipat at naglalakbay, at iba pang nabubuhay na mga yamang-dagat. 


Gayundin, itinatag ang pagsunod sa precautionary principle o prinsipyo ng pag-iingat at pamamahala ng pangisdaan at mga yamang-tubig sa paraang naaayon sa konsepto ng isang pamamaraang nakabatay sa ekosistema sa pamamahala ng pangisdaan at pinagsamang pamamahala ng lugar sa baybayin sa mga partikular na lugar ng pamamahala ng natural na pangisdaan, na naaangkop na sinusuportahan ng pananaliksik, mga serbisyong teknikal at gabay na ibinibigay ng Estado. Kaugnay nito, nakasaad sa Seksyon 124 ng batas na ito na:


“Section 124. Noncompliance with the Requirements for the Introduction of Foreign or Exotic Aquatic Species. – It shall be unlawful to import, introduce, or breed, foreign or exotic aquatic species without the conduct of risk analysis and prior approval of the Department.


Upon a summary finding of administrative liability, the offender shall be punished with a fine of Two hundred thousand pesos (P200,000.00) to Six million pesos (P6,000,000.00) and confiscation and destruction of the foreign or exotic species. Should the species become invasive and result to predation of native aquatic biota, loss of income or damage to the habitat, the offender shall bear the costs of containment, eradication and/or restoration.


Upon conviction by a court of law the offender shall suffer the penalty of imprisonment of six (6) years to (12) years and fine from Four hundred thousand pesos (P400,000.00) to Twelve million pesos (P12,000,000.00), confiscation of foreign or exotic species and the costs for containment, eradication or restoration.”


Sang-ayon sa nasabing probisyon ng batas, ipinagbabawal ang ilegal na pag-aangkat, pagpapakilala, o pagpaparami ng mga dayuhan o eksotikong uri ng hayop sa tubig nang walang pagsasagawa ng pagsusuri sa panganib at paunang pag-apruba ng Kagawaran ng Agrikultura.


Sa inyong sitwasyon, sa sandaling mapatunayang ikaw ay may pananagutang administratibo dahilan sa paglabag sa batas, maaari kang mahatulan ng multang P200,000.00 hanggang P6,000,000.00. Maaari ring kumpiskahin at sirain ang mga dayuhan o eksotikong uri ng isda na ipinakilala o pinarami sa anumang katawang tubig. Bukod sa multa, kung ang uri ng isdang pinakilala o pinarami ay naging invasive at nagresulta sa pagkawasak ng mga katutubong biota sa tubig, pagkawala ng kita o pinsala sa tirahan, maaari ka ring managot sa mga gastos sa pagpigil, pagpuksa at/o pagpapanumbalik.


Sa sandaling mahatulan ng korte, maaari kang maparusahan ng pagkakabilanggo ng anim na taon hanggang 12 taon at multang mula P400,000.00 hanggang P12,000,000.00, pagkumpiska sa mga dayuhan o eksotikong uri ng isda, at mga gastos para sa pagpigil, pagpuksa o pagpapanumbalik.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page