Batas upang maiangat ang industriya ng pag-aasin
- BULGAR
- 2 hours ago
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 16, 2025

Dear Chief Acosta,
Namamasukan ang aking ama bilang isang tindero sa maliit na tindahan sa palengke. Isa sa kanilang mga ibinebenta ay asin. Pinaubos na diumano sa kanila ang mga natira nilang tinda na asin at ang mga sumunod na dinala sa kanila ng kanilang supplier ay iba na ang itsura ng packaging. Napansin din diumano ng aking ama na mayroong mga magandang pakete na malaki ang nakasulat na “Made in the Philippines,” at mayroon din naman diumano na simple lamang ang pakete at walang nakasulat na ganitong mga salita. Ganoon pa man, pareho naman diumano na gawa sa aming probinsya ang mga asin na iyon. Bakit kaya mayroong pagkakaiba? May batas ba ukol dito? — Ramon
Dear Ramon,
Hindi lamang magaganda ang mga tanawin dito sa ating bansa. Napakarami ring mga lugar sa bawat sulok ng Pilipinas na maaaring pagkunan ng mga likas na yaman. Kung kaya’t patuloy na mandato ng ating pamahalaan ang gumawa at magpatupad ng mga alituntunin at patakaran na tutulong na maisulong ang mga industriya na lumilikha at nagpapayabong sa ating mga likas na yaman. At ang isa na nga rito ay ang industriya ng pag-aasin o salt industry.
Naisabatas ang Republic Act (R.A.) No. 11985, o mas kilala bilang “Philippine Salt Industry Development Act,” bilang tugon sa pagpapahalaga ng ating pamahalaan, partikular na ang ating mga mambabatas, sa kapamuhayan ng pag-aasin, upang tulungan ang ating mga kababayan na mag-aasin, at makamit ang adhikain na patatagin ang nasabing industriya at maging kilala sa buong mundo.
Kaugnay nito, ang isa sa mga ipinag-uutos sa ilalim ng R.A. No. 11985 ay ang paglalagay ng mga katagang “Made in the Philippines” sa mga pakete at dokumento ng mga produkto ng asin na ie-export o ikakalakal sa ibang mga bansa. Sa paraang ito, higit na makikilala at mabibigyang-pansin ang kalidad ng produkto galing sa Pilipinas. Ganoon pa man, hinihikayat lamang ang mga producers at manufacturers ng mga produktong asin na ilagay ang nasabing kataga kung ang kanilang produkto ay para lamang sa lokal na kalakalan. Mababanaag sa Section 25 ng nasabing batas:
“Section 25. Labeling of Salt Made in the Philippines. -- All salt produced or manufactured in the Philippines for export shall be labeled as “Made in the Philippines” in a prominent and conspicuous manner on the product, its packaging, and accompanying documentation, and shall comply with the requirements of Republic Act No. 7394, otherwise known as the 'Consumer Act of the Philippines’.
For domestically produced salt intended for the local market, salt manufacturers, producers or farmers are encouraged to provide a label “Made in the Philippines”.
The DTI shall assist domestic salt manufacturers, producers or farmers on this labeling requirement.”
Ito ang maaaring dahilan kung bakit mayroong nakikita ang iyong ama na mga pakete na naglalaman ng produkto ng asin na mayroong nakasulat na mga salitang “Made in the Philippines,” dahil maaaring layon din ng supplier nito na maikalakal ang kanilang produkto sa labas ng ating bansa. Para naman sa mga pakete na kanyang nakikita na walang nakasulat na salitang “Made in the Philippines,” dahil maaaring layon ng supplier nito na maikalakal lamang ang kanilang produkto na asin sa ating mga lokal na pamilihan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.