Good news sa lahat ng kawani ng gobyerno
- BULGAR
- 5 hours ago
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | May 16, 2025

Sa hirap at pagod na inilalaan ng mga kawani ng gobyerno para makapagbigay ng mas maayos na komunidad at pantay na pagtrato sa bawat mamamayan, umaasa silang kahit paano ay matumbas din ang mga ito. Hindi ba dapat lang na ang mga lingkod-bayan na ito ay mabigyan ng sapat na insentibo at pagkilala para sa kanilang serbisyo?
Kaya siguro sinimulan na nitong Mayo 15, 2025 ang pamamahagi ng mid-year bonus sa mga empleyado ng pamahalaan.
Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), katumbas ito ng isang buwang basic pay, at ang inilaang pondo ay aabot sa mahigit P63.6 bilyon.
Sa breakdown ng budget, tinatayang P47.587 bilyon ang para sa civilian personnel, habang P16.108 bilyon naman ang nakalaan para sa military at uniformed personnel.
Nilinaw naman ni DBM Secretary Amenah Pangandaman na ang pondo ay naipamahagi na sa mga implementing agencies noon pang Enero 2025. Kaya naman nananawagan siya sa mga head ng kagawaran at local government units (LGUs) na iproseso agad ito upang maibigay na sa mga empleyado.
Batay sa DBM Budget Circular No. 2017-2, ang mga kuwalipikado lamang ay ang mga kawani na nakapagsilbi ng hindi bababa sa apat na buwan mula Hulyo 1, 2024 hanggang Mayo 15, 2025, at may satisfactory o mas mataas na performance rating sa huling evaluation period at dapat aktibo pa sa serbisyo hanggang sa petsa na nabanggit.
Sakop ng mid-year bonus ang lahat ng posisyon, kabilang ang regular, casual, contractual, appointive o elective, part-time man o full-time — mula sa executive, legislative, at judicial branches, constitutional commissions, government-owned and controlled corporation (GOCCs), state universities and colleges (SUCs), at mga LGU.
Kasama rin dito aniya, ang military at uniformed personnel.
Marahil ang pagbibigay ng mid-year bonus ay hindi lamang insentibo, kundi pagkilala sa sakripisyo ng mga kawani ng pamahalaan.
Sa panahon ng taas-presyo, ito ay malaking tulong lalo na sa mga pamilyang umaasa lamang sa suweldo ng mga lingkod-bayan.
Subalit, kaakibat din nito ang hamon sa mga ahensya ng pamahalaan na tiyaking mabilis, maayos, at patas ang pamamahagi.
Hindi natin maikakaila na maraming empleyado ng gobyerno ang nagtatrabaho ng higit sa hinihingi, madalas ay kulang sa pasilidad, ngunit patuloy na naglilingkod. Kaya’t sa simpleng mid-year bonus, nararapat lang na ito ay maibigay nang walang aberya.
Ngunit bukod sa pera, sana ay patuloy din nating itaguyod ang pagpapabuti sa kalagayan ng mga manggagawa sa gobyerno — mula sa benepisyo hanggang sa tunay na pagkilala sa kanilang papel sa lipunan. Dahil ang matatag na serbisyo-publiko, ay sandigan ng mas maunlad na bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments