Batas ukol sa kasong malicious mischief
- BULGAR
- 1 hour ago
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 8, 2025

Dear Chief Acosta,
Pagkatapos kong malaman na niloko ako ng boyfriend kong si Varley, inilabas ko ang aking galit sa kanyang sasakyan. Kinabukasan, nakita niyang basag na ang bintana at butas na ang mga gulong ng kanyang sasakyan. Kinasuhan ako ni Varley ng malicious mischief. Ano ang maaaring maging parusa sa akin? — Jonelle
Dear Jonelle,
Ang pagsira ng ari-arian ng iba ay isang krimen na pinaparusahan ng ating batas. Ayon sa ating Revised Penal Code (RPC), ang sinuman na sadyang magdudulot ng anumang pinsala sa pag-aari ng iba na hindi gumagamit ng panununog o iba pang krimen na kinasasangkutan ng pagkasira ay mananagot sa kasong Malicious Mischief. Ang patakarang ito ay nasa Artikulo 327 ng RPC na nagsasaad na:
“ART. 327. Who are liable for malicious mischief. — Any person who shall deliberately cause to the property of another any damage not falling within the terms of the next preceding chapter shall be guilty of malicious mischief.”
Sa iyong sitwasyon, ang pagbasag ng bintana at pagbutas ng mga gulong ng sasakyan ng iyong boyfriend na si Varley ay maaaring ituring na paninira ng pag-aari ng iba kung saan maaari kang managot sa kasong Malicious Mischief. Inilahad ng ating Korte Suprema, sa panulat ni Honorable Associate Justice Diosdado M. Peralta sa kasong Robert Taguinod vs. People of the Philippines (G.R. No. 185833, October 12, 201), ang mga elemento ng kasong Malicious Mischief:
“The elements of the crime of malicious mischief under Article 327 of the Revised Penal Code are:
(1) That the offender deliberately caused damage to the property of another;
(2) That such act does not constitute arson or other crimes involving destruction;
(3) That the act of damaging another’s property be committed merely for the sake of damaging it.”
Ayon sa nasabing kaso, hindi sapat na ang pag-aari ng iba ay sinira. Kailangan din na ang pagsira sa ari-arian ng iba ay ginawa sa kapakanan ng pagsira nito. Ang iyong pagsira sa sasakyan ni Varley dahil sa kanyang pagtataksil ay maaaring maituring na may malisya o poot kung saan iyong sadyang nilalayon na magdulot ng pinsala at abala sa kanya nang walang anumang legal na katwiran. Sa ganitong kaso, ang halaga ng pinsalang nadulot ang tutukoy ng kalubhaan ng parusa. Ang parusa sa kasong Malicious Mischief ay inilahad ng Artikulo 329 ng RPC, na inamyendahan ng Republic Act No. 10951:
“ART. 329. Other mischiefs. -- The mischiefs not included in the next preceding article shall be punished:
1. By arresto mayor in its medium and maximum periods, if the value of the damage caused exceeds Two hundred thousand pesos (P200,000);
2. By arresto mayor in its minimum and medium periods, if such value is over Forty thousand pesos (P40,000) but does not exceed Two hundred thousand pesos (P200,000); and
3. By arresto menor or a fine of not less than the value of the damage caused and not more than Forty thousand pesos (P40,000), if the amount involved does not exceed Forty thousand pesos (P40,000) or cannot be estimated.”
Sang-ayon sa nasabing probisyon ng batas, ang haba ng panahon ng pagkakakulong o multa ay nakadepende sa halaga ng bagay na iyong nasira.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comentários