top of page

Sapat na nutrisyon, sagot sa illiteracy ng bansa

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 8 hours ago
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | May 8, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Noong nagsagawa tayo ng pagdinig sa mga resulta ng 2024 Functional Literacy, Education and Mass Media Survey (FLEMMS), isa sa mga pinuna natin ang kaugnayan ng malnutrisyon at functional illiteracy.  


Sinuri natin ang datos ng mga probinsya at mga highly urbanized cities (HUCs) at nakita natin na kung mataas ang porsyento ng stunting sa mga kabataang wala pang limang taong gulang, mababa ang naitala nilang functional literacy rate. 


Ang functional literacy ay ang kakayahang sumulat, bumasa, mag-compute, at umunawa o umintindi ng binabasa. Tiningnan din natin ang datos ng wasting sa mga probinsya at mga HUCs. Nakita natin na kung mataas ang porsyento ng wasting sa mga batang wala pang limang taong gulang, mababa rin ang naitala nilang functional literacy rate.


Maituturing na stunted ang isang bata kung siya ay maliit para sa kanyang edad. Wasted naman ang isang bata kung mababa ang kanyang timbang para sa kanyang edad. Sa ating talakayan ngayong araw, tutukan natin ang stunting. Ano nga ba ang nagiging sanhi ng stunting? Nagiging stunted ang isang bata kung hindi sapat ang nutrisyon na natatanggap niya sa unang 1,000 araw ng kanyang buhay. Ang unang 1,000 araw ay mula sa sinapupunan hanggang sa umabot siya sa dalawang taon.


Kung hindi natatanggap ng isang bata ang kinakailangan niyang nutrisyon sa unang 1,000 araw ng kanyang buhay, napipinsala nito ang kanyang pag-iisip at kakayahang matuto, bagay na nakakaapekto sa kanilang kakayahang magkaroon ng maayos na hanapbuhay sa kanilang pagtanda.


Sa Year Two Report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), lumalabas na isa sa apat na batang wala pang limang taong gulang ang stunted. Kung isa sa apat na batang Pilipino ang stunted at hindi makakuha ng maayos na trabaho, hindi natin mawawakasan ang kahirapan, at mapipinsala ang ating ekonomiya. Nagsisimula sa sinapupunan ng isang ina ang pagsugpo natin sa illiteracy at hindi na natin maaari pang ipagpaliban ang pagtugon sa hamong ito.


Sa ginawa nating pagdinig, hinimok ng inyong lingkod ang Department of Education, Department of Social Welfare and Development, at National Nutrition Council na gawing bahagi ng early childhood at basic education literacy programs ang suporta para sa nutrisyon.


Inaasahan naman natin ang pagsasabatas sa Early Childhood Care and Development System Act na isinulong ng inyong lingkod. Layunin nito na patatagin at itaas ang kalidad ng mga early childhood care and development programs at services, kabilang ang mga programang pang-nutrisyon. Kung tuluyan na itong maging batas, mabibigyan natin ng mas matatag na pundasyon ang ating mga kabataan at mas matitiyak nating makakamit nila ang functional literacy.


Malaking hamon ang pagsugpo sa illiteracy ngunit naniniwala akong kung magtutulungan tayong lahat, mula sa ating mga paaralan at mga komunidad, masusugpo natin ang illiteracy at matitiyak natin na ang mga bata ay may matatag na pundasyon upang maging matagumpay na mamamayan ng ating bansa.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page