ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Sep. 22, 2024
Batid natin na may mga taong walang respeto sa karapatan ng kanyang kapwa tao at walang pakialam kung ang bagay na inaangkin o pinapasok ay pag-aari ng ibang tao.
Ipinagbabawal ng batas ang panghihimasok sa pag-aari ng ibang tao, okupado man ito o hindi. Ito ay alinsunod sa Article 281 ng Revised Penal Code kung saan nakasaad ang mga sumusunod:
“The penalty of arresto menor or a fine not exceeding 200 pesos, or both, shall be imposed upon any person who shall enter the closed premises or the fenced estate of another, while either or them are uninhabited, if the prohibition to enter be manifest and the trespasser has not secured the permission of the owner or the caretaker thereof.”
Sang-ayon sa mga nabanggit na probisyon ay malinaw na ang isang tao ay may karapatang hindi maistorbo sa loob ng kanyang tahanan o pagmamay-ari. Walang sinumang tao ang maaaring pumasok sa loob ng kanyang bakuran o bahay nang walang pahintulot. Ang isang tao na mangangahas na pumasok sa isang saradong bahay o lupain na nakabakod, kapag kita na ang intensyon ng may-ari nito ay ipagbawal ang pagpasok dito nang wala siyang pahintulot, ay maaaring maparusahan sa ilalim ng artikulong binabanggit sa itaas. Ito ay pinaparusahan ng batas bilang isang akto ng trespassing.
Bukod sa probisyong ito ng Revised Penal Code, pinangangalagaan din ng ating Saligang Batas ang karapatan ng isang tao sa kanyang katahimikan sa kanyang bahay at sa anumang pag-aari niya. Ito ay nakapaloob sa Seksyon 2, Artikulo III, ng 1987 Constitution, kung saan nakasaad na:
“Sek. 2. Ang karapatan ng mga taong-bayan na magkaroon ng kapanatagan sa kanilang sarili, pamamahay, papeles at mga bagay-bagay laban sa hindi makatwirang paghahalughog at pagsamsam sa ano mang layunin ay hindi dapat labagin, at hindi dapat maglagda ng warrant sa paghalughog o warrant sa pagdakip maliban kung may malinaw na dahilan na personal na pagpapasyahan ng hukom matapos masiyasat ang mayhabla at ang mga testigong maihaharap niya sa ilalim ng panunumpa o patotoo, at tiyakang tinutukoy ang lugar na hahalughugin, at ang mga taong darakpin o mga bagay na sasamsamin.”
Mula sa mga nabanggit na probisyon ay makikita natin kung paano pinahahalagahan ng batas ang karapatan ng bawat mamamayan laban sa anumang panghihimasok ng ibang tao sa kanilang buhay at mga ari-arian. Ang karapatang ito sa mga lupon ng karapatang pantao na isinasaad sa ating Saligang Batas. Anumang paglabag dito ay maaaring maging sanhi ng isang aksyon para makahingi ng danyos o ng paghahain ng kasong kriminal laban sa taong lumabag nito.
Mahalagang malaman ng bawat mamamayan na kapag ang isang bakuran ay mayroong bakod, intensyon ng may-ari nito na hindi ito dapat pasukin ng ibang tao nang wala siyang pahintulot. Ang paglalagay ng bakod ay isang uri ng “exercise of ownership” at isa itong babala na walang karapatan ang ibang tao na pumasok dito nang hindi pinapayagan ng may-ari nito o sinumang katiwala nito. Isang kalapastanganan ang pumasok nang walang pahintulot.
Comentarios