top of page
WINNER - “GINAWA KO LANG ANG PARTE KO BILANG PILIPINO. MGA G_GO PALA KAYO D’YAN, EH!” - DA

Batas para sa mas ligtas na paaralan, sumalang na sa plenaryo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 1, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Nitong nakaraang linggo, sumalang na sa plenaryo ng Senado ang isang panukalang batas na layong paigtingin ang seguridad sa mga paaralan at ang kaligtasan ng ating mga mag-aaral.


Napapanahon ang panukalang batas na ito sa gitna ng patuloy na pagdami at paglala ng mga insidente ng karahasan sa mga paaralan. Ang ating mga paaralan ay dapat nagbibigay ng ligtas na espasyo sa mga mag-aaral, pati na rin sa ating mga guro, at mga kawani.


Nakakalungkot at nakakagalit ang mga trahedyang nabalitaan natin nitong mga nagdaang linggo, kabilang ang mga insidente ng pamamaril sa mga Lungsod ng Tacloban at Zamboanga.


Ngunit may maaari tayong gawin upang mapigilan natin ang ganitong mga insidente sa hinaharap. Hindi katanggap-tanggap at hindi natin hahayaang maulit pa ang ganitong klaseng mga trahedya sa ating mga paaralan.


Kaya naman nakikiisa ang inyong lingkod sa pagsulong ng Comprehensive School Safety Act (Senate Bill No. 1110) na magtatatag ng National Comprehensive School Safety Framework.


Sa ilalim ng panukalang batas, pangungunahan ng Department of Education (DepEd) ang pagbuo sa framework na ito. Makakatuwang ng kagawaran ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno, kabilang ang local government units sa pagbuo, pagpapanatili, at pag-update ng nasabing framework. Itatakda ng framework ang mga pamantayan para sa pag-iwas, pagtugon, at pagbangon mula sa mga banta at insidenteng may kaugnayan sa school safety.


Bibigyan naman ang mga paaralan ng mandato na gumawa ng School Safety Plan batay sa gagawing framework. Magiging mandato rin sa mga paaralan ang paghahanda at pag-update ng School Safety Handbook na naglalaman ng mga polisiya, pamamaraan, emergency information, at learner support services.


Isasama rin sa School Safety Handbook ang School Code of Conduct upang malinaw na tukuyin ang mga hindi katanggap-tanggap na gawain, gayundin ang kaukulang hakbang para sa pagdidisiplina, pati na ang restorative interventions.


Huwag na nating hintaying malagay pa sa panganib ang buhay ng iba pang mga mag-aaral. Kailangang gawin natin ang lahat ng hakbang upang tiyaking ligtas na espasyo ang ating mga paaralan, kabilang ang pagpasa ng mga batas na magtataguyod sa kaligtasan ng ating mga mag-aaral.



May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page