top of page
FRANKLY - PIKTYUR NI ELLEN NA MAY KASAMANG MALE MODEL SA CHINA, AGAW-EKSENA_IG _maria.elen

Bata pa lang daw, nare-reject na lagi dahil sa hitsura… BEVERLY, AMINADONG ‘DI MAGANDA KAYA SINIKAP MAGING MATALINO

Writer: BULGAR
BULGAR
10 hours ago
3 min read

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | November 18, 2026



SHEET - BEVERLY, AMINADONG ‘DI MAGANDA KAYA SINIKAP MAGING MATALINO_FB Orig Beverly Salviejo

Photo: FB Orig Beverly Salviejo



Hindi na bago sa singer-actress na si Beverly Salviejo ang rejection dahil simula bata pa ay nararanasan na niya ito at imbes na maawa sa sarili ay naging inspirasyon niya ito sa lahat ng laban niya sa buhay.


Base sa kuwento nito ay wala rin siyang tinatanggihang gawin noong nag-aaral pa siya at hanggang ngayong artista na ay game sa kahit na anong role.


Balik-tanaw ng singer-actress, “Ang naging conclusion ko kasi, ‘di ako maganda at mas madali ang buhay ng mga magaganda at guwapo kahit hindi sila masyadong matalino.

“Kaya sabi ko (sa sarili), ‘di puwedeng ‘di ako matalino! ‘Di po ako nagyayabang pero ‘yun po ang naging pamantayan ko, ‘di puwedeng ‘di ako maging matalino at magaling kasi ‘di ako maganda.”


Sinabihan si Beverly ng co-actor niya sa Status: Rejected na si Alessandra De Rossi na hindi totoong hindi siya maganda.


“Mas maganda (na) ako ngayon kaysa noon (dahil nagparetoke na),” kaswal na sagot ng aktres.


Kahit noong nasa elementary pa lang daw siya ay ramdam na ni Beverly ang reception ng lahat sa magaganda.


“Kuwento ko lang at ‘di ako nagyayabang, nu’ng ako’y estudyante pa, dalawa kaming nagba-vie for first honor. Siya (kalaban) ay maputi, matangkad, maganda at matalino naman.

“Ako, maliit, maitim, pangit at matalino rin kaya nga kami ang nagba-vie for first honor at naungusan ko s’ya pero ang reaction ng mga taong nakapaligid?


“(Iminuwestra). Hindi, dapat sa kanya (maganda, matangkad), na ibig sabihin, ‘di (ako) tanggap. So, isipin mo, bata pa lang ako, may trauma na ako sa rejection? 


“Marami pa na kinansel ka ng klase kasi naungusan mo ‘yung paborito nila. So, everyday ‘yan, magmula noon hanggang ngayon, I have learned to live with it.


“Until now na ‘pag sinasabi nila na maso-shortlist kami para sa isang performance, kunwari sa isang project, tapos dalawa na lang kaming pagpipilian, may magsasabi (sa akin), ‘Ano naman ang gagawin n’ya?’

“(Sabi ko), ‘Darling, singer po ako, komedyante ako, eh, I do stand-up and I sing classical.’ So, ibig kong sabihin, ‘di nila alam pero nire-reject ka na kasi nga, sasabihin, ‘Mas maganda ‘yun, mas sikat.’ Kaya marami talaga (karanasan), ‘di lang dito sa showbiz, mula pa bata, ang rejection ay pang-araw-araw ko na,” kuwento ni Beverly.


Sa Status: Rejected ay ginampanan ni Beverly ang karakter na Tessie at kaibigan siyang matalik ni Ruby Ruiz as Biring. Siya ang nag-introduce sa kaibigan sa social media kaya nakakilala ng lalaking iibiging taga-Amerika at dito nagsimula ang problema ng magkaibigan.


Tulad ni Beverly ay marami ring rejection na naranasan sa buhay si Ruby at mula pa ito sa mga kilalang personalidad sa showbiz.


At lalayo pa ba na ang isang maganda at matalinong tulad ni Alessandra ay ilang beses na ring na-reject? 


Kaya bumagay sa tatlong bida ang kuwento ng Status: Rejected dahil sila ‘yun sa totoong buhay at sabi nga ng baguhang direktor, tailor-made sa mga nabanggit ang script na isinulat ni Vahn Leinard C. Pascual at produced ng Black Cap Pictures at CleverMinds, Inc. na mapapanood na bukas, Nobyembre 18, Miyerkules sa 135 sinehan sa buong bansa.


Kasama rin sa pelikula ang Gen Z vlogger na si Yani Villarosa.





MUKHANG madaragdagan ang iconic scenes ni Asia’s Superstar Kathryn Bernardo bilang isang aktres matapos umani ng papuri ang makabagbag-damdamin niyang ‘rain scene’ sa Kapamilya teleseryeng Someone, Someday, na lalong umiigting para sa huling dalawang linggo.


Napabilib ang mga netizens na nakapanood ng advance episode sa Netflix sa anila’y ‘acting masterclass’ ni Kathryn sa eksena kung saan nagkaroon ng major breakdown si Billy (Kathryn) sa ilalim ng matinding ulan habang sabay na umiiyak hanggang sa tuluyan nang lumuhod para humingi ng tawad sa harapan ng karakter ni James Reid.


Major plot twist ang naturang eksena dahil ngayon lang napagtanto ni Billy na maaaring may kinalaman siya sa pagkamatay ng nanay ng best friend niyang si Jordan (James) dahil sa isang insidente ng hit-and-run na nangyari noong sila ay mga bata pa.


Habang gagawin ni Billy ang lahat sa tulong ni Jordan para malaman ang katotohanan sa nasabing insidente, kailangan ding ayusin ni Billy ang relasyon niya sa half-sister niyang si Bea (Maja Salvador) na walang sawang humihingi ng tawad para makipagbati sa kanilang pamilya.


Napapanood na ang episode 82 ng Someone, Someday sa Netflix. Matututukan din ang TV airing ng serye mula Lunes hanggang Biyernes ng 8:45 PM sa ALLTV2, TV5, A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live sa YouTube (YT) at Facebook (FB), at TFC. 


Napapanood din ito nang 48 hours in advance sa iWant.

newsroom website.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page