Basura, nagpabaha sa Metro Manila — MMDA

ni Mylene Alfonso @News | August 11, 2026

Photo: MMDA
Isinisi ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang pagbaha sa ilang lugar sa Metro Manila sa kawalan umano ng disiplina ng ilang residente sa pagtatapon ng basura na nagdudulot ng pagbabara sa mga drainage at waterways.
“Ang nagiging problema po namin ay iyong kawalan ng disiplina ng ilan nating mga kababayan na diretso pong nagtatapon sa waterways, sa drainage, sinisingit po iyong mga basura na siya pong nagiging sanhi ng pagbabara at flash flood,” pahayag ni MMDA Chairman Romando Artes sa Palace briefing.
Nakipagkasundo na aniya, ang Metro Manila Council (MMC) na taasan ang penalty sa ilegal na pagtatapon ng basura upang matugunan ang pagbabara sa mga waterways at drainage na nagdudulot ng flash flood.
Ayon kay Artes, maayos naman ang paghakot ng basura ng mga lokal na pamahalaan at walang naitatalang malaking akumulasyon ng basura sa mga kalsada.
Ang problema, aniya, ay ang ilang residente na patuloy na nagtatapon ng basura sa waterways at drainage.
Sinabi ni Artes na gumagamit din ang MMDA ng CCTV upang matukoy ang mga lumalabag at mapatawan ng multa.
“Ang problema po natin, maraming bahay po na nakadikit d’yan na kalimitan po ay tinatapon lang basta sa likod-bahay nila.”
Ayon pa sa MMDA chief, nakikipagtulungan ang ahensya sa mga LGU upang matugunan ang problema, bagama’t aminado siyang mahirap bantayan ang napakaraming waterways sa Metro Manila.





Comments