Bantayan ang presyo ng pagkain para hindi dumagdag sa pasakit ng mga Pilipino

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | January 27, 2021
Maraming kaakibat na epekto ang pandemyang dulot ng COVID-19 sa bawat bansa at sa buong mundo. Sa Pilipinas pa lamang, maraming sektor at industriya na ang naapektuhan, lalo na ang sektor ng agrikultura.
Dahil sa pandemya, pagkalat ng African Swine Fever at sunud-sunod na kalamidad, nahirapan ang ating mga magsasaka at mga poultry at hog raisers, hindi lang sa pagpapatakbo ng kanilang mga negosyo, kundi pati na rin sa pag-angkat ng kanilang produkto papunta sa merkado.
Kailangan agad na mabigyan ito ng solusyon. Sa panahon ngayon, marami sa ating mga kababayan ang nawalan ng trabaho at kabuhayan. Paano na lang sila bibili ng pagkain kung patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin?
Upang tuluyang makabangon ang bansa, isinusulong natin sa loob at labas ng Senado ang tatlong pangunahing layunin ngayong taon: masolusyunan ang bilang ng taong nagugutom; masigurong merong sapat, ligtas at epektibong bakuna lalo na para sa mahihirap; at maibalik ang sigla ng ekonomiya at kabuhayan ng mga tao. Kasabay na rin ang patuloy na pagbibigay ng agarang tulong sa mga komunidad na apektado ng krisis, tulad ng mga nasunugan, tinamaan ng lindol, bagyo, nabahaan at iba pa.
Noong mga nagdaang araw, nanawagan tayo sa ehekutibo na tugunan ang isyu tungkol sa seguridad ng pagkain sa bansa, lalung-lalo na ang pagtaas ng presyo ng baboy at iba pang pangunahing pagkain. Kailangang prayoridad ng pamahalaan na masigurong hindi madagdagan pa ang pasakit na dinadanas ng ating mga kababayan dulot ng pandemya, at tiyaking may sapat na pagkain sa bawat mesa ng pamilyang Pilipino.
Kaya naman natuwa tayo na agad naglabas ng Executive Order No. 123 si Pangulong Rodrigo Duterte na naglalayong mapanatiling mababa ang tariff rates sa mga Mechanically Deboned Meat (MDM) na chicken at turkey upang maging stable ang supply at maging abot-kaya ang presyo ng mga ito. Naunang naglabas din ang Pangulo ng Executive Order No. 105 para mabuo ang National Task Force on Animal-Borne Diseases para mapigilan ang pagpasok at pagkalat ng mga iba’t ibang sakit ng hayop sa bansa.
Samantala, patuloy tayong umaapela sa ehekutibo na pag-aralan ang posibleng paglagay ng “price ceiling” sa mga pagkain, tulad ng baboy at manok. Kailangan ito upang protektahan hindi lamang ang mamimili kundi pati na rin ang mga traders at raisers ng baboy at manok.
Sinusuportahan natin ang panukala ng Department of Agriculture sa plano nito na ipahintulot ang pag-angkat mula sa ibang bansa ng karagdagang karne ng baboy sa pamamagitan ng pag-triple ng Minimum Access Volume. Malaki ang maitutulong ng mga ito para dumami ang supply ng pagkain sa merkado at mapanatiling abot-kaya ang presyo ng mga bilihin lalo na sa panahong hirap na hirap na ang mga Pilipino.
Ngunit, kasabay ng mga nabanggit nating mabilisan at panandaliang solusyon, kailangan din nating magpatupad ng long-term food security measures.
Kaya naman, inuudyok natin ang Department of Agriculture na lalong palakasin pa nila ang kanilang mga programa na magpapabilis sa modernisasyon at industriyalisasyon ng sektor ng agrikultura at magpapatibay sa hanay ng food production sa bansa. Nakipag-ugnayan na rin tayo sa Department of Trade and Industry at Task Group on Food Security para mabantayan ang presyo ng mga bilihin at siguraduhing walang mananamantala sa kapwa ngayong panahon ng krisis.
Habang sinisikap nating makakuha ng sapat, ligtas at epektibong bakuna para sa lahat, lalo na para sa frontliners, mahihirap, at parte ng vulnerable sectors, hikayatin din natin ang komunidad na patuloy na magbayanihan at sumunod sa mga patakaran na makapagliligtas sa buhay ng kapwa nating Pilipino.
Walang iwanan—ito ang nais ng ating Pangulo. Ito rin ang hangad natin para sa lahat. Asahan ninyong titiyakin namin na walang Pilipinong maiiwan sa ating muling pagbangon bilang nagkakaisa at mas matatag na bansa!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments