top of page
Herlene Budol - IG.jpg

Bangkay ng babae sa septic tank

Writer: BULGAR
BULGAR
4 hours ago
2 min read

by Jeff Tumbado @News | November 2, 2026



Babae sa septic tank - Circulated

Photo: Circulated



Kalunus-lunos ang sinapit ng 46-anyos na babae makaraan siyang patayin, isinilid pa ang kanyang bangkay sa loob ng lumang septic tank sa Panglao, Bohol.


Iniimbestigahan pa ng pulisya ang krimen matapos ang pagkakadiskubre sa insidente alas-9 ng umaga ng Sabado, Oktubre 31, malapit sa Looc Elementary School sa Purok 3, Brgy. Looc.


Batay sa imbestigasyon, napansin ng ilang residente sa lugar ang makapal na kumpulan ng mga langaw sa ibabaw ng abandonadong septic tank.


Dahil sa kanilang hinala, humingi sila ng tulong upang silipin ang loob nito at doon tumambad ang bangkay ng babae.


Agad nilang ipinagbigay-alam ang insidente sa mga awtoridad, dahilan upang respondehan ang lugar.


Lumalabas na huling nakita ng anak ang biktima noong gabi ng Oktubre 30.

Sinabi umano ng babae na bibiyahe siya patungong Tagbilaran City alas-9 ng gabi.

Kinabukasan, napansin ng kanyang anak na hindi pa umuuwi ang ina bago siya pumasok sa paaralan.


Rumesponde rin ang SOCO team at nagsagawa ng pagsusuri sa crime scene.

Sa paunang pagsusuri ng Panglao Municipal Health Officer, tinatayang namatay ang biktima sa pagitan ng alas-3 at alas-4 ng madaling-araw noong Oktubre 31.

Napansin din ang mga pinsala sa kanyang ulo.


Gayunman, kinakailangan pa ang masusing medico-legal examination at karagdagang imbestigasyon upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagkamatay at ang mga pangyayari bago ito naganap.


Ayon kay Police Captain Kentbel Ceasar V. Parcho, nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang buong detalye ng insidente at mapanagot ang sinumang nasa likod nito.


Samantala, naglaan ang pamahalaang panlalawigan ng P150K pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na magtuturo sa pagkakakilanlan at ikadarakip ng responsable sa pagkamatay ng biktima.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page